Calendar

House prosecution panel ginagawa lang ang trabaho sa paghahain ng mosyon sa Senado — Minority Leader Libanan
NILINAW ni House Minority Leader Marcelino “Nonoy” C. Libanan ng 4Ps Party-list na hindi pinupuwersa ng House impeachment prosecution panel ang Senado sa ginawa nitong pagsasampa ng mosyon, kundi tinutupad lamang nila ang kanilang tungkulin ayon sa tinatadhana ng Konstitusyon.
“We are not pressuring (the Senate), we are doing our job. Sabi ko nga kanina, gusto rin namin mangampanya pero kami naman ang magkakaroon ng culpable violation of the Constitution ‘pag hindi namin ginawa ang aming tungkulin,” ani Libanan sa isang press conference noong Martes.
Ipinunto pa ni Libanan na aktibo pa rin ang Senado sa kanilang mga gawain kahit naka-recess ang sesyon ng Kongreso.
“Sinasabi nila baka hindi sila makapagtrabaho dahil break na ‘yung Senado. Pero apparently, nagkaroon po sila ng hearing last Thursday no’ng committee ni Senadora Imee [Marcos]. Ibig sabihin, nagtatrabaho pa rin po ang Senado,” aniya.
Una ng naghain ang prosecution team ng “Entry with Motion to Issue Summons” upang obligahin si Vice President Sara Zimmerman Duterte na tumugon sa mga Articles of Impeachment na inihain laban sa kanya ng House of Representatives noong Pebrero 5.
Giit ni Libanan, ang kanilang mga inihahaing dokumento ay “in accordance with their rules of procedure sa impeachment proceedings ng Senado na pag mayroong i-file ay within 10 days bibigyan ng pagkakataon ang officer who is being sought to be impeached to answer in a period of 10 days.”
Sa naging pahayag ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na ire-refer niya sa legal team ng Senado ang mosyon ng prosecution panel, sinabi ni Libanan: “Alam niyo, lahat po kami ay sumusunod, lahat po tayo ay dapat sumunod sa Constitution.”
“Kung sinasabi ng Constitution that the proceeding shall start forthwith, e kailangan sumunod kami. Otherwise ‘pag hindi kami sumunod, kami na ang nagba-violate ng ating Constitution. So kahit anong ginagawa po namin dahil napakahalaga ng proseso nito ay kailangan sumunod po kami sa ating pinaka-fundamental law,” paliwanag niya.
“At ‘yun po ang lahat ng oath of office namin ay based doon sa ating Constitution at gagampanan namin na walang anumang pasubali o hangaring umiwas ang aming mga sinumpaang katungkulan,” dagdag pa niya.
Muling binigyang-diin ni Libanan ang kahalagahan ng agarang aksyon ayon sa Konstitusyon, na nagsasaad na dapat agad simulan ang impeachment trial kapag may reklamong inihain ng hindi bababa sa one-third ng mga miyembro ng Mababang Kapulungan.
Ang reklamo laban sa bise presidente ay nilagdaan ng 215 miyembro ng Kamara, na higit pa sa dalawang-katlo ng 306-kasapi ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
“Anong ibig sabihin ng forthwith? Right away, without delay. Kami naman po sa 11-man prosecution team we have to follow this, that we have to assume our duties and responsibilities para gampanan po namin,” sabi ng House Minority Leader.
“Medyo gusto rin naming mangampanya, mag-break, gano’n din, pero because of this provision of the Constitution, wala kaming magagawa eh. Pero kung ano ang interpretation nila sabi ko nga, basahin natin siguro. Pero inirerespeto natin, may tinatawag tayong inter-parliamentary courtesy. Taong-bayan na po magde-desisyon diyan at…may Supreme Court naman po tayo sana madesisyunan po ito,” aniya.
Inaasahan niyang pag-uusapan ng mga senador ang mga isinampang petisyon ng prosecution panel.
“Iyong pagkakaisahan po nila, iyon po ang puwedeng maging direksyon. So alam niyo napakabeterano rin, lalo na ang ating SP Chiz Escudero is a veteran lawmaker. Alam niya po ang prosesong ito. Pero pag-uusapan iyan nila. Ang tingin ko po ang Senate President hindi naman siya magdedesisyon alone in this matter. Napakahalaga, alam nila ‘yung kahalagahan po nito. Kaya maguusap-usap sila bilang isang Senado,” dagdag pa niya.