Calendar
Huwag iboto ang mga kandidatong pabor sa China — Rep. Khonghun
NANAWAGAN sa mga botante si House Assistant Majority Leader Jay Khonghun ng Zambales noong Lunes na huwag iboto ang mga kandidato na pumapabor sa interes ng China.
Babala ni Khonghun, ang paghalal sa mga kandidatong pro-China ay maaaring magkompromiso sa soberanya ng bansa, sa gitna ng mga iligal na pagpasok ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Sinabi pa ni Khonghun, chairman ng House special committee on bases conversion, ipinakita sa pinakahuling survey na dumarami ang mga Pilipinong tumututol sa agresibong hakbang ng China sa mga katubigan ng Pilipinas.
Ayon sa resulta ng Pulse Asia survey na kinomisyon ng Stratbase ADR Institute, 73 porsiyento ng mga Pilipino ang hindi susuporta sa mga kandidatong itinuturing na pro-China, isa umanong pagpapakita ng malawakang pananaw ng kawalan ng tiwala sa China.
Gayundin ang ginawang survey ng OCTA Research noong Marso 2024 na nagpakita na 76 porsiyento ng mga Pilipino ang naniniwalang ang China ang pinakamalaking banta sa bansa, na nagpapakita ng labis na pagkabahala hinggil sa integridad ng teritoryo at pambansang seguridad.
“Malinaw ang mensahe ng ating mga kababayan. Hindi nila tatanggapin ang mga kandidato na pumapanig sa China. Ang eleksyon ngayong Mayo ay pagkakataon nating ipakita na hindi natin ibebenta ang ating soberanya,” giit ni Khonghun.
Dagdag pa niya na mahalaga para sa mga Pilipino na pumili ng mga pinunong magtatanggol sa mga mangingisdang Pilipino at sa mga iligal nitong gawain sa West Philippine Sea.
“Ang darating na eleksyon ay mahalaga hindi lamang para magluklok tayo ng ating mga lokal at pambansang lider, kundi isyu na rin ito ng national security. We must choose leaders who will defend our territorial rights, not those who will bow down to China’s influence,” saad nito.
Ipinunto ni Khonghun ang kahalagahan ng matatag at sama-samang paninindigan laban sa foreign aggression, kasabay ng paalala sa mga botante na ang kanilang desisyon sa halalan ang huhubog sa kinabukasan ng bansa.
“Ang boto natin ay sandata laban sa mga kandidatong nagpapagamit sa China. Huwag natin hayaan na masira ang kinabukasan ng ating bayan,” ayon pa sa mambabatas.
Ayon sa mambabatas, dapat masusing pag-aralan ng mga botante ang mga kandidatong may kaduda-dudang ugnayan sa China, dahil maaaring maapektuhan ng kanilang mga polisiya ang ekonomiya at seguridad ng bansa.
Nanawagan siya sa mga botante na unahin ang pagmamahal sa bayan at katapatan kaysa sa mga pansamantalang pangako at pampulitikang alyansa.
Nagbabala rin si Khonghun sa publiko kaugnay sa disinformation campaigns na layuning linlangin ang mga botante upang suportahan ang mga kandidatong maka-China.
“The Chinese propaganda machinery is at work, influencing narratives and promoting their chosen candidates. We must stay vigilant and informed,” babala pa ng kongresista.
Hinimok din ng mambabatas ang mga Pilipino na magkaisang tutulan ang anumang panghihimasok ng mga dayuhan at sa pagtatanggol sa soberanya ng bansa.
“Panahon na upang ipakita natin ang ating pagkakaisa bilang isang bansa,” giit pa nito.
Binigyang-diin ni Khonghun ang kanyang patuloy na pagsuporta sa mga polisiya na magpapaigting sa kakayahan ng bansa sa depensa at tutulong sa mga lokal na industriya na apektado ng mga hakbang pang-ekonomiya ng China.
Hinimok din niya ang mga kapwa mambabatas na patuloy na isulong ang matatag na posisyon sa pagprotekta sa interes ng bansa.
“We will not allow China’s creeping influence to dictate our future. The Filipino people deserve leaders who will fight for them, not those who will sell out their principles,” ayon pa kay Khonghun.