Liza

Ice Seguerra, Liza Dino todo suporta sa Robin Bill para sa karapatan ng same-sex couples

188 Views

Tulad ng ibang nagsasama o couples, nais ng mga same-sex couples na makinabang sa karapatang binibigyan ng estado sa lahat ng “normal” na couples, tulad ng karapatang magmana, mag-ampon, at magkaroon ng benepisyo sa social security at insurance.

Iginiit ito ng artistang si Ice Seguerra at ni Liza Dino, na nagpasalamat kay Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla para sa kanyang panukalang batas na isinusulong ang karapatan ng same-sex couples kasama ang civil union.

“Gusto lang naming mabuhay nang normal tulad ng ibang couples sa Pilipinas. We are citizens of this country and I think it is our right to be afforded these civil rights, very basic civil rights,” ani Liza sa panayam sa DZRJ nitong Biyernes.

“Ang basic talaga sa akin, owning of property, recognizing ang aming mag-carry ng last names, adoption rights, social benefits,” dagdag niya.

Ani Liza, importante ang mabigay sa mga same-sex couples tulad niya at ni Ice ang karapatan na “hindi espesyal (kundi) nararapat lang siya para sa lahat na citizen sa ating bansa.”

“Hirap kasi, doon mo na-realize hindi kami pwede mag-own ng properties together. So lahat ng pinag-ipunan naming dalawa nasa pangalan niya, wala sa pangalan ko,” wika niya.

Dagdag ni Ice, bagama’t nirerespeto nila ang iba’t ibang simbahan at pananampalataya, hiling nila ang respetuhin din sila ni Liza bilang mamamayan ng Pilipinas.

“We respect the churches, we respect the different religions against us. Wala kaming magagawa doon. But please respect us also as citizens of this country na karapat-dapat kaming may karapatan na proteksyunan ng batas sa bansang ito at yan sinusulong ni Sen. Robin,” aniya.

“I appreciate Sen. Robin because of course we all know he’s a very devout Muslim. Pero para sa akin, that marks a good public servant. It’s so easy to have biases because of religion,” dagdag niya.

Ani Ice, masakit sa kanila na hindi niya maampon ang 14-anyos na anak ni Liza at kailangan pa nilang makipag-away sa awtoridad sa airport kasi ayaw sila paliparin bilang pamilya.

“They don’t see us as a family, for them we’re just 2 people with a young person,” ayon kay Ice.

Nagpasalamat din si Ice kay Padilla sa handang ipaglaban ang karapatan ng lahat ng mamamayang Pilipino.

Ayon ni Ice, marginalized pa rin ang same-sex couples at bagama’t matagumpay sila sa kanilang mga trabaho, para pa rin silang second-class citizens dahil may mga karapatang ipinagkait sa kanila.

“Nakakataba ng puso. It gives me comfort there’s someone like him in the Senate who’s really willing to fight for the rights of everyone in this country,” aniya.

Handa si Ice at Liza na umikot sa bansa para lumahok sa mga talakayan tungkol sa panukalang batas niya. “More than anything we want everyone to understand and be on board with this,” ayon kay Ice.

Sa ilalim ng Senate Bill 449, may mga karapatan ang mga same-sex couples, kasama ang magkaroon ng civil union, mag-ampon, at magkaroon ng benepisyo sa social security at insurance.

Multang aabot sa P1 milyon o pagkulong ng hanggang 10 taon ang parusa para sa pagtanggi sa pag-isyu ng civil union license o certificate, at sa diskriminasyon sa trabaho.