Bato Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa

Ilang miyembro ng Kamara dismayado kay Bato

92 Views

DISMAYADO ang ilang miyembro ng Kamara de Representantes kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa dahil pinagkatiwalaan umano nito ang kuwento ng isang dating ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagdadawit kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa paggamit ng iligal na droga.

Ito ang sinabi nina Deputy Majority Leaders Faustino “Inno” Dy (Isabela, 6th District) at Jude Acidre (Tingog Party-list) matapos sabihin ni Dela Rosa na naniniwala ito na totoo ang dokumento ni Jonathan Morales dahil meron itong mga marking gaya ng butas ng puncher.

“Para sa akin napakadaling i-distinguish kung sino po ang nagsasabi ng totoo at sino ang nagsasabi ng kasinungalingan,” ani Dy sa isang press conference sa Kamara de Representantes noong Huwebes.

Giit naman ni Acidre: “Marahil kitang-kita naman ng taong bayan kung sino ang dapat paniwalaan. Hindi ko lang alam kung bakit ‘yung kasama nating senador, ‘yun ang gusto niyang paniwalaan.”

Si Dela Rosa, chairman ng Senate committee on public order and dangerous drugs, ay nagtitiwala kay Morales na dating intelligence officer ng PDEA na nagsabi na totoo ang umano’y anti-illegal drug operations report na mayroon lagda nito laban sa noon ay Sen. Bongbong Marcos at aktres na si Maricel Soriano noong 2012.

Ito ay sa kabila na rin ng pagtanggi ni PDEA Director General Moro Virgilio Lazo sa komite ni Dela Rosa na hindi tunay ang mga dokumento, kabilang na ang pre-operation report at authority to operate.

Iginiit pa ni Lazo na walang katotohanan ang mga alegasyon ni Morales, na pawang gawa-gawa lamang at walang batayan.

Sinabi pa ni Lazo na hindi dapat paniwalaan ang mga testimonya ni Morales na nagsinungaling nang itago nito na siya ay sinibak ng Philippine National Police (PNP) nang pumasok ito sa PDEA.

“Ang sa akin, nakakapagtaka din kasi nga kung titignan mo iyong dalawang panig, isa po ‘yung former agent ng PDEA nagsasabi na totoo itong dokumentong ito, at ito naman ‘yung mismong PDEA na, ‘yung mismong ahensiya na ang nagsasabi na walang katotohanan iyang dokumento na iyan, peke iyan, non-existent ‘yung dokumento na ‘yan,” ayon pa kay Dy.

Kinukwestyon din ng mambabatas ang pagtanggi ni Dela Rosa na tanggapin ang panig ng PDEA, at ang implikasyon nito sa integridad ng tanggapan.

Babala din ni Dy na dapat mag-ingat sa pagtanggap ng mga impormasyon na natatagpuan lamang sa social media, lalo’t nakapakadali ng gumawa ng mga pekeng dokumento gamit ang makabagong teknolohiya.

“Ang dali pong i-fabricate ng ganonog dokumento, na hindi porket may punch hole o may mga data doon o may mga information doon na posible ay totoo, hindi ibig sabihin na totoo na kaagad ‘yung dokumentong iyon. E mismong ‘yung ahensiya na po ang nagsasabi na hindi nga ito totoo,” ayon kay Dy.

Inihalimbawa pa nito ang lumabas na deepfake video ni Pangulong Marcos na kung hindi susuriin ng mabuti ay maaaring makapanloko.

“Bakit natin papaniwalaan ang mga taong dati na ngang may bahid sa kanilang history, may bahid na sa kanilang career? Bakit tayo maniniwala sa taong ganun?” dagdag pa ng mambabatas.

Binigyan diin naman ni Acidre na mahalaga ang mga ebidensya sa halip na paniwalaan ang sabi-sabi, lalo na’t may kumpirmasyon mula sa PDEA hinggil sa electronic records.

“It’s one man’s word against the system,” ayon kay Acidre, na nagpapakita ng kumpirmasyon ng electric records ng PDEA, kabilang na ang mga plano, operations at serialized numbers sa kanilang IMS system, na taliwas sa testimonya ni Morales.

Dagdag pa ng mambabatas, “Ang sinabi ng isang may record ng credibility ay questionable, sabihin na lang natin isang dismissed PDEA agent, marahil kitang-kita naman ng taong bayan kung sino ang dapat paniwalaan.”

Ipinagtataka rin ni Acidre na madaling naniwala si Dela Rosa, na dating hepe ng PNP, sa mga salaysay ng sinibak na pulis na si Morales.

Ikinadismaya rin ni Acidre ang kasalukuyang kalagayan ng politika sa bansa, at ang kahalagahan sa pagkilala ng pagkakaiba ng mga tunay na naglilingkod para sa kaunlaran at ng may personal na interes.

“Nakakalungkot lang minsan, ang ingay ng politika umabot na sa level ng ganito,” ayon pa kay Acidre. “Mayroon tayong Presidente na napakasipag at mula noong umupo sa puwesto ay tuluy-tuloy ang kanyang pagtatrabaho para maiangat ang buhay ng ating mga kababayan.”

“Merong iilan na talagang patuloy na hindi napapagod din na ibagsak pababa ang ating bansa,” giit pa ni Acidre.

Nanawagan naman ang mambabatas sa publiko na maging mapagbantay at mapanuri, kasabay na rin ng pagtukoy sa mga taong tunay na naglilingkod sa kabutihan ng bansa, sa kabila ng patuloy na ingay sa politika.

“Sana ho ay magmatiyag ang ating mga kababayan, ang ating kapwa Pilipino. Makita nila sino iyong para sa ikabubuti natin at sino iyong nag-iingay lang para sa mga pansarili niyang interes,” ayon pa kay Acidre.