Iligal na distributor ng vape products arestado

96 Views

NASAKOTE ng pulisya ang isang lalaki na iligal umanong nagbebenta ng mga vape product sa Quezon City.

Ang suspek na si Ejjeih Caldeo Go, 30, residente ng Brgy. Immaculate Conception, Quezon City, ay inaresto matapos na ireklamo ng ODSI Assured System and Services Corp., ang official distributor ng RELX Vape Products.

Ayon sa ulat, iligal umanong nagbebenta ang suspek ng RELX Vape Products kaya isang buy-bust operation ang inilatag ng pulisya laban sa kanya.

Nahuli ang suspek alas-5 ng hapon noong Abril 19 sa parking area ng Bright City Center Building sa E. Rodriguez Sr. Ave., Brgy Immaculate Concepcion matapos mabilhan ng P44,300 na halaga ng RELX vape products.

Narekober umano sa suspek ang kabuuang P130,000 halaga ng mga produkto.

Ang suspek ay nahaharap sa kasong Unfair Trade Competition.