Barbers1

Imbestigasyon ng Kamara sa pagsulpot ng Chinese nat’ls sa PH di racism — Barbers

Mar Rodriguez Apr 30, 2024
98 Views

BINIGYANG DIIN ni Surigao del Norte 2nd Dist. Cong. Robert Ace “Alas” S. Barbers na hindi maituturing na “racism” o “Sinophobia” ang ikakasang imbestigasyon ng Kamara de Representantes patungkol sa pagsulpot na parang kabute ng maraming Chinese nationals sa Pilipinas.

Sinabi ni Barbers, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, na walang dapat ikabahala ang mga Filipino-Chinese community sa napipintong imbestigasyon ng Kongreso sapagkat bukas parin aniya ang Pilipinas para sa mga dayuhan na legal na magtungo o bumisita sa bansa.

Ipinaliwanag ni Barbers na nais lamang nilang malaman ang buong katotohanan kaugnay sa kahina-hinalang pagdagsa ng mga Chinese nationals sa Pilipinas. Habang ang nagsasabing “racism” o “sinophobia” ang hakbang ng Kamara ay maaaring siya ang apektado ng nasabing imbestigasyon.

Ikinatuwiran ng tinaguriang “Alas ng Mindanao” na kung tutuusin ay hindi dapat ipagkibit balikat ang presensiya ng napakaraming Chinese nationals sa bansa sapagkat ang national security ng Pilipinas ang nakataya dito. Kaya dapat lamang halukaying mabuti ang puno’t-dulo ng naturang issue.

Ayon sa kongresista, dapat ang mismong Chinese community ang nagbabantay sa kanilang mga kasamahan o kalahi dahil ilan sa mga ito ang direktang sangkot sa iba’t-ibang illegal activities partikular na sa illegal drugs.

“Alam mo, iyong mga nagsasabing sinophobia at racism iyon. Sila iyong may ganoong tendency, tayo ay nagtatanong lang. kasi ang concern dito ay ang national security, mabuti sana kung marites lang ito. Buti sana kung ang pinag-uusapan dito ay yung kapitbahay lang natin,” wika ni Barbers.

Idiniin pa ni Barbers na napaka-importanteng malaman ang eksaktong bilang ng mga Chinese national na naka-enroll sa lalawigan ng Cagayan dahil magkaka-iba ang datos na inilabas ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan. Habang iginiit ni Civic Leader Teresita Ang-See na racism ang imbestigasyon ng Kamara.