Pastor Apollo Quiboloy

Imbestigasyon ng US laban kay Pastor Apollo C. Quiboloy suportado ng FFW

Mar Rodriguez Jan 2, 2024
255 Views

SINUSUPORTAHAN ng grupong Federation of Free Workers (FFW) ang imbestigasyon ng Estados Unidos (US) laban sa kontrobersiyal na TV Evangelist na si Pastor Apollo C. Quiboloy patungkol sa mga kasong kinasasangkutan nito kabilang na ang sex trafficking, money laundering at iba pa.

Kasabay nito, hinihimok din ni Atty. Sonny Matula, Pangulo ng FFW, si President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na panatilihin ang pag-distansiya kay Quiboloy upang hindi mapulaan ang kaniyang administrasyon na pino-protektahan nito ang nasabing religious leader.

Ang pahayag ni Matula ay kaugnay sa hamon ng political science professor na si Prof. Arjan P. Aguirre ng Ateneo de Manila University sa gobyerno na huwag matakot kay Quiboloy na nahaharap sa iba’t-ibang mga kaso sa US matapos ang pag-freeze sa kaniyang mga ari-arian sa Amerika.

Dahil dito, sinabi ni Matula na sinasang-ayunan ng kanilang hanay (FFW) ang opinion o saloobin ni Aguirre kabilang na ang abogadong si Michael Henry Yusingco na kailangang maging maingat ng administrasyong Marcos, Jr. sa pakikipag-ugnayan nito kay Quiboloy na nahaharap sa mga kaso.

Binigyang diin ni Matula na dapat maging malinaw ang paninindigan ng pamahalaan hinggil sa mga kasong kinakaharap ni Quiboloy. Kung saan, napaka-importante umano ang dumistansiya ang gobyerno sa kontrobersiyal na TV Evangelist dahil pawing mga seryoso ang mga akusasyon laban dito.

Bukod dito, iminumungkahi din ni Matula kay Pangulong Marcos, Jr. ang pakikipag-tulungan sa pamahalaang US sa patuloy na imbestigasyon ng Amerika sa mga kaso ni Quiboloy kaugnay sa mga kasong child sex trafficking, pekeng kasal, VISA fraud, money laundering at sex trafficking.

“Sang-ayon kami sa opinion nina Aguirre at Yusingco. Napakahalaga na panatilihin ng gobyerno ang pag-distansiya kay Quiboloy sapagkat malinaw na kailangan nilang dumistansiya sa mga taong nahaharap sa ganitong seryosong akusasyon. Dapat makipagtulungan ang gobyerno sa US,” sabi ni Matula.