Dy

Imbestigasyon sa blackouts sa Visayas suportado ng kongresista

Mar Rodriguez May 12, 2023
225 Views

SINUSUPORTAHAN ng isang Northern Luzon congressman ang inihaing resolution ng kaniyang mga kapwa kongresista na humihiling ng malalim na imbestigasyon sa House Committee on Energy kaugnay sa sunod-sunod na blackout sa Visayas region dulot ng malalang problema ng kuryente dito.

Bagama’t hindi nito lalawigan, nagpahayag parin ng pagsuporta si House Assistant Majority Leader at Isabela 6th Dist. Congressman Faustino “Inno” A. Dy V sa kaniyang mga kapwa mambabatas mula sa Visayas patungkol sa pagresolba sa iniindina nilang problema dulot ng sunod-sunod na blackout.

Sinabi ni Dy na nauunawaan nito ang sitwasyon at kalagayan ng kaniyang mga kasamahan sa Kamara de Representantes dahil ganito rin aniya ang kaniyang naramdaman ng magkaroon siya ng problema sa Isabela Electric Cooperative (ISELCO) sa kanilang lalawigan.

Nauna rito, nagbigay noong nakaraang taon ng “privilege speech” sa Plenaryo ng Kongreso si Dy hinggil sa samu’t-saring problema, anomalya at mis-management issues na kinakaharap ng ISELCO 1 at ISELCO 2. Kung saan, humihiling din siya na ma-imbestigahan ang nasabign electric cooperative.

Ipinaliwanag ni Dy na tulad ng kaniyang naging problema dati sa ISELCO 1 at ISELCO 2, maaaring ganito rin umano ang nararamdaman ng mga kongresista mula sa Visayas. Sapagkat mistula aniyang isang malaking bangungot ang srte ng blackout sa nasabing rehiyon na nagdudulot ng napakalaking perwisyo.

Inihain ng mga Visayas congressmen ang House Resolution No. 933 na humihimok sa House Committee on Energy na agad na magsagawa ng isang pagsisiyasat para ugatin o tumbukin ang puno’t-puno ng nangyayaring “power outage” sa Visayas region at papagutin ang mga may sala.

Hindi naman nagustuhan ni Dy ang pagtuturuan umano ng National Grid Corporation of the Philippine (NGCP), Energy Regulatory Commission (ERC) at mga power distributor sa Visayas region sa halip na humanap ng solusyon para wakasan ang problema ng blackout sa nabanggit na rehiyon.