Bato

Imburnal sa likod ng Manila City Hall puno ng malalaking bato

Edd Reyes Aug 17, 2025
404 Views

NAGULAT si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa mga nakuhang tipak-tipak na bato sa binuksang mga imburnal sa likod ng Manila City Hall na itinuturong dahilan ng pagbaha sa naturang lugar.

Pinabuksan ng alkalde sa mga tauhan ng Department of Public Service (DPS) ang mga imburnal sa likod ng city hall hanggang sa Taft Avenue dahil sa mabilis na pagtaas ng baha sa lugar kapag malakas ang ulan.

Nakuha rin sa mga binuksang imburnal ang mga basura na karamihan ay plastik na botelya, styrofoam, natuyong mga buhangin at makapal na putik na nakabara sa daluyan ng tubig.

May hinala ang alkalde na hindi naging maingat ang mga gumawa ng drainage system sa lugar kaya’t naiwan sa ilalim ang mga tipak na bato, natuyong semento, mga putik at buhangin na dahilan para lumiit ang malalaking culverts na ibinaon para daluyan ng tubig.

Pinaalalahanan din niya ang mga nagnenegosyo sa paligid ng city hall, pati na ang mga bumibisita at may transaksyon sa city hall na iwasang itapon kung saan-saan ang kanilang mga basura, plastik na botelya at styrofoam upang hindi mapunta sa daluyan ng tubig.

Tiniyak ng alkalde na magtutuloy-tuloy ang paglilinis at pagbubukas ng mga imburnal sa mga pangunahing lansangan upang maibsan ang pagtaas ng tubig baha tuwing sasapit ang tag-ulan.