Parcel

Pyesa ng sasayan na naging shabu, isinuko sa parak

Edd Reyes Aug 17, 2025
327 Views

IMBES na itago at singhutin, isinuko ng rider sa mga pulis ang droga na idineklarang pyesa ng sasakyan na ipinadala sa kanya galing sa Caloocan City papuntang Apalit, Pampanga noong Biyernes.

Nagulat ang rider nang tumambad ang 2.3 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P15,640.00 na isiningit sa kahon ng hopia, plastic bag na may lamang punda ng unan at bote ng tubig na laman ng pakete galing kay alyas Mau ng General Pio Valenzuela, Caloocan City para kay alyas Jay sa Apalit, Pampanga kapalit ng P364 na bayad.

Kaagad itinawag ng rider sa 911 ang natuklasan niyang droga at rumesponde ang mga tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento at dinala sa kanilang tanggapan ang shabu para sa tamang pagdodokumento.

Naghinala ang rider na hindi piyesa ng sasakyan ang dala niyang pakete dahil panay ang tawag sa kanya ng sender upang alamin kung nasaan na siyang lugar kaya’t ipinasiya niyang buksan pagsapit sa Brgy. Dalandanan, Valenzuela City.