Calendar
Inday Sara: Panahon na para isantabi ang politika at pagkakahiwa-hiwalay
HINIMOK ni presumptive Vice President Sara Duterte ang mga kandidato at kanilang suporter na isantabi muna ang pulitika ngayong tapos na ang halalan.
Sinabi ni Duterte na panahon na upang pagsilbihan ng mga nanalo ang mga mamamayang Pilipino kumampi man ito sa kanila o hindi.
Ayon kay Duterte noong kampanya ay kulay ang naging palatandaan ng pagkakahiwa-hiwalay ng mga Pilipino dahil sa pagkakaiba ng kanilang sinusuportahang kandidato.
“At dahil tapos na ang kampanya at eleksyon, panahon na para kalimutan ang mga kulay ng pagkakahiwa-hiwalay. Tapusin na natin ang pamumulitika. Dapat lamang na ang lahat ng mga nahalal sa pwesto ay manguna sa pagsiguro na lahat ng mga Pilipino supporters man o hindi ay mabigyan ng tamang serbisyo,” sabi ni Duterte sa online Thanksgiving event kung saan muli nitong pinasalamatan ang mga tumulong sa kanya na makakuha ng 31 milyong boto.
Sinabi ni Duterte na ang mga nanalo at kanilang suporter ay dapat na mag-abot ng kamay para sa muling pagkakaisa sa mga natalo at kani-kanilang suporter.
Iginiit din ni Duterte na hindi mabubuo ang bansa kung wala ang mga natalo.
“Tayo na po ang mauna na lumapit sa mga nakatunggali na supporters ng mga natalong kandidato. Tayo na po ang magpakumbaba dahil tayo ang ang panalo. Tayo ang Sana all, tayo ang Sara All. We have to be magnanimous because we are only 31.5 million (voters). Kailangan natin sila para tayo ay maging isang 100 percent na bansa,” punto ni Duterte.
Nanawagan din si Duterte na patuloy na suportahan di president-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang magawa ito ang kanyang mandato.
Nangako rin si Duterte na magpapatupad ng mga reporma sa sektor ng edukasyon upang matugunan ang tawag ng panahon.
Inanunsyo ni Marcos na itatalaga nito si Duterte bilang Education secretary.