Madrona

Inisyatibang ikinasa ni PBBM para matulungan ang mga Pinoy TNT sa US, pinapurihan ni Madrona

Mar Rodriguez Jan 29, 2025
23 Views

PINAPURIHAN ni Romblon Lone Dist. Rep. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona si President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. bunsod ng ikinasa nitong inisyatiba para matulungan mga Pilipinong “illegal alien” o undocumented sa Estados Unidos.

Nauna rito, inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nakahanda na ang P1 bilyong pondo ng pamahalaan upang pagkalooban ng tulong ang mga Pilipinong TNT o tago ng tago sa Estados Unidos na inaasahang tatamaan ng ipapatupad na deportation policy.

Sinabi ni Madrona, chairman ng House Committee on Tourism, na dapat ng asahan na maraming undocumented Filipinos sa Amerika ang tiyak na maaapektuhan ng striktong pagpapatupad ng deportation policy laban sa mga illegal alien na nasa US.

Muling binigyang diin ng kongresista na kilala ang administrasyon ni US President Donald Trump bilang mahigpit sa pag-iimplementa ng immigration policy sa pamamagitan ng pagsasagawa ng malawakang crackdown laban sa mga illegal immigrant.

Pinasalamatan naman ni Madrona ang gobyerno dahil sa ipinakita nitong kahandaan na matulungan ang mga Pilipinong matatamaan ng mahigpit na immigration policy o kaya ay magkaroon ng mas deportation habang pinayuhan naman nito ang mga PIlipino sa US na asikasuhin na ang kanilang mga dokumento at papeles.