Interagency task force pinag-aaralan paggamit ng nuclear power

131 Views

ISANG interagency task force ang nagsasagawa ng pag-aaral kaugnay ng panukala na gumamit ng nuclear power upang matugunan ang kailangang kuryente ng bansa.

Ayon kay Undersecretary Sandy Sales ng Energy Resource Development and Oil Management ng Department of Energy (DOE) marami pang kailangang gawin bago mapagdesisyunan ang paggamit ng nuclear power plant sa bansa.

“Open ang nuclear option para sa atin – meaning to say, there are many kinds of nuclear technologies,” sabi ni Sales.

Ayon kay sales kailangan pa ring bumuo ng isang regulatory framework dahil hindi naka-setup ang Pilipinas para sa paggamit ng nuclear energy bilang alternatibong mapagkukuhanan ng kuryente.

“We are studying it and hopefully, babalik tayo doon sa situation na charting our course depende sa situation which potentially becomes part of the energy needs of the Philippines in the future. Just saying that nuclear is one of the technologies that can react fast to the variability of renewable energy,” ani Sales.

Nauna ng sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagkonsidera ng gobyerno sa paggamit ng nuclear energy upang matiyak na mayroong sapat na suplay ng kuryente sa bansa.

Ang naturang panukala ay kanya na umanong pinag-aaralan bago pa man siya maging Pangulo ng bansa.

Sa huling biyahe ng Pangulo sa Estados Unidos ay naka-usap nito ang mga opisyal ng kompanyang Ultra Safe Nuclear Corp. (USNC) na interesadong magtayo ng nuclear plant sa bansa.