Calendar
Isa lamang sa 7 reklamo sa Articles of Impeachment kailangang patunayan para VP Sara ma-impeach
ISA lamang sa alinman sa pitong alegasyon sa Articles of Impeachment ang kailangang mapatunayan upang mapatalsik sa puwesto at habambuhay na madiskuwalipika sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno si Vice Presidente Sara Duterte.
“As far as we know, yes, as long as you’re guilty of one. Kasi you can, pwede kang magsampa ng impeachment complaint with just one article. So one should be sufficient,” sabi ni Manila Representative Ernix Dionisio.
Kasama sa alegasyon sa impeachment case ang pagpaplano ni Duterte na ipapatay si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., at iregularidad sa paggamit ng confidential funds.
Kaugnay naman sa pagkakasunod-sunod ng artikulo, sinabi ni Dionisio, “Actually in all honesty, ‘yung pagkaka-arrange ng mga articles of impeachment, I don’t think hindi naman ‘yan ‘yung mababa, pataas eh. I think all basis, all articles are equally important.”
Iginiit naman ni Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union na mabigat na kaso ang unang artikulo, na tumutukoy sa umano’y pagka-usap ni Duterte sa tao na inatasan nitong pumatay sa Pangulo, First Lady Liza Araneta-Marcos, at Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
“Para sa akin kasi, personal take on this. Pinakamabigat po talaga sa akin ‘yung active threat na ‘yun. The threat to kill the President, the First Lady, the Speaker, para sa akin napakabigat nun. Bad po yun eh,” ayon kay Ortega.
Ang proseso ng impeachment ay nagtatakda ng dalawang pangunahing parusa sa oras ng pagkakahatol: pagtanggal sa pwesto at habambuhay na diskwalipikasyon sa anumang posisyong sa pamahalaan.
“In any impeachment case na dadaan sa Senado as an impeachment court, dalawa lang po kasi ‘yung mangyayari ‘dun, it’s either guilty or not guilty. Now when the individual accused is guilty, yung nabanggit niyo ang magiging sanction o ang tatanggapin niya,” paliwanag pa ni Dionisio.
Noong Pebrero 5, in-impeach ng Kamara de Representantes si Duterte. Lumagda sa impeachment complaint ang 215 kongresista, lagpas sa kinakailangang 102. Mayroon pang 25 mambabatas na nagpahabol ng pirma sa reklamo.
Inaasahang magsasagawa ng paglilitis ang Senado bilang impeachment court upang dinggin ang kaso laban sa Pangalawang Pangulo.
Kinakailangan naman ng two-thirds majority vote sa Senado upang mahatulang nagkasala at mapatalsik si Duterte sa pwesto.
Sakaling mahatulan, si Duterte ang kauna-unahang Bise Presidente sa kasaysayan ng Pilipinas ang napatalsik sa pwesto sa pamamagitan ng impeachment.