Security Source: PNA

Isyu sa cybersecurity, telcos dapat tugunan

12 Views

DULOT ng matinding pagkabahala, umapela si Committee on Public Services Chairman Senator Raffy Tulfo sa mga ahensya ng gobyerno at mga kompanya ng telekomunikasyon (telcos) na tugunan ang mahinang serbisyo ng internet sa bansa at ang tumitinding cybercrimes, kabilang na ang online hacking at text message hijacking.

Sa isang pagdinig sa Senado kamakailan, binigyang-diin ni Tulfo ang mga reklamo ng mga gumagamit ng telco tungkol sa mahihinang signal at kabuuang pagkawala ng serbisyo sa mga establisimyento na konektado sa kalabang network.

“Dapat walang ganitong pangyayari dahil obligasyon ng mga telcos na siguraduhing may sapat na serbisyo ang lahat ng kanilang users,” ani niya.

Hinimok ni Tulfo ang National Telecommunications Commission (NTC) na paigtingin ang pagmo-monitor sa mga mall sa buong bansa at makipag-ugnayan sa Philippine Competition Commission (PCC) upang parusahan ang mga telco na lumalabag sa batas na proteksiyon para sa mga konsyumer. Inatasan din niya ang NTC na magsumite ng detalyadong ulat at plano ng aksyon sa Enero 20.

Binatikos din ng senador ang Department of Information and Communications Technology (DICT) dahil sa kakulangan nito sa seguridad at maayos na pagmo-monitor ng mga libreng public Wi-Fi sa bansa, partikular na sa mga mall at restaurant.

Nagpakita siya ng video ng mga biktima na nawalan ng kontrol sa kanilang mga mobile phone matapos kumonekta sa mga public Wi-Fi network. “Ganito na ang sistema, na kapag nag-connect ka sa libreng Wi-Fi, maaaring makuha ng hackers ang personal na impormasyon mo,” sabi ni Tulfo.

Ibinunyag din niya ang bagong paraan ng hacking na tinatawag na “text hijacking,” kung saan nagagawa ng mga hacker na makialam at makuha ang mga lehitimong mensahe mula sa mga text message ng isang tao.

“Napakadelikado nito, at dapat masigurado na walang makakapasok sa ating cybersecurity infrastructure,” babala niya.

Hinimok ni Tulfo ang DICT na paigtingin at i-upgrade ang mga programa at polisiya para sa cybersecurity upang mas epektibong labanan ang mga bagong banta na ito.

Pinaalalahanan din niya ang publiko na iwasan ang pag-click sa mga kahina-hinalang link o pagbibigay ng sensitibong impormasyon kapag nakakonekta sa public Wi-Fi.

Bukod dito, inatasan ni Tulfo ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na tulungan ang mga telco na mapabilis ang pagkuha ng permit para sa pagtatayo ng mga cell tower, partikular na sa mga malalayong probinsya, upang mapabuti ang kalidad ng signal.

Tinalakay din ng senador ang mekanismo ng refund para sa mga konsyumer tuwing may service disruptions.

“Kailangan bigyan ng rebates o refund ang mga consumer na hindi nagagamit ang internet services nila. Protektahan natin ang kanilang karapatan,” sabi ni Tulfo.

Bahagi ang pagdinig na ito ng pagsisikap ni Tulfo na tugunan ang mga pangunahing isyu ng telco at cybersecurity sa bansa.