Rizal

Itatayong gusali ng Jose P. Rizal Elementary School, maihahalintulad sa Manila Hotel

Edd Reyes Nov 24, 2026
82 Views

GAGAWING kawangis ng Manila Hotel ang muling pagtatayo ng lumang campus ng Jose P. Rizal Elementary School sa Tayuman St. Tondo.

Ito’y matapos lumagda sa kasunduan sina Mayor Isko Moreno Domagoso at Department of Education (DepEd) Secretary Edgardo Angara noong Lunes ng hapon para sa paglalaan ng P3.307 bilyon pagtatayo ng luma ng gusali ng pampublikong paaralang pang-elementarya.

Sa ilalim na nilagdaang kasunduan, ang pamahalaang lungsod ang babalikat ng P2.022 bilyon sa itatayong 10-palapag na gusali habang maglalaan naman ang DepEd ng P660 milyon para sa anim na palapag ng mid-rise building at pupunan ng lungsod ang P562 milyon upang makumpleto ang unang bahagi ng proyekto na may 83-silid araral hanggang 160 sa oras na matapos na.

Magkakaloob din ang DepEd ng P63.2 milyon para naman sa rehabilitasyon ng 109-taong gulang na Gabaldon building sa loob na campus na personal na hiniling ng kalihim na mapanatili ang makasaysayang gusali.

Kumpiyansa si Mayor Domagoso na matatapos ang konstruksiyon sa loob lang ng halos dalawang taon upang mawakasan ang double-shift na klase ng mahigit 3,700 na mag-aaral.

Sa oras namang matapos, ang bawat silid-aralan ay magkakaroon ng air-conditioning unit tulad ng iba pang mga ipinatayo ni Mayor Isko na layong maging komportable ang pag-aaral ng mga estudyante.