Plaridel PAGPUGAY — Pinangunahan nina Manila Vice Mayor Yul Servo, Bryan Anthony Paraiso ng National Historical Commission, Barangay 701 Chairman Lilia Papa, apo sa talampakan ni Marcelo H. Del Pilar na si Rica Pauline Villegas at mga opsiyal ng Association of Philippine Journalists-Samahang Plaridel, Inc. sa pamumuno ni Evelyn Quiroz ang pagbibigay pugay sa ika-174 birth anniversary ni Del Pilar noong Agosto 30.

Ituloy ang laban ni Plaridel

Ed Andaya Sep 1, 2024
144 Views

NARARAPAT na ipagpatuloy ng mga Pilipinong mamamahayag ang pagtataguyod ng responsible journalism sa kabilang ng mga banta sa press freedom at paglaganap ng mga fake news at mga bayarang trolls sa social media.

Ito ang panawagan ni Rica Pauline Villegas, apo sa talampakan ng bayaning si Gat Marcelo H. Del Pilar na itinuturing na “Father of Philippine Journalism,” sa paggunita sa ika-174 birth anniversary ni Del Pilar noong Agosto 30.

Sinamahan si Villegas sa pagdiriwang nina Manila Vice Mayor Yul Servo, Bryan Anthony Paraiso ng National Historical Commission, Barangay 701 Chairperson Lilia Papa, Association of Philippine Journalists- Samahang Plaridel Inc. president Evelyn Quiroz at iba pang mga opisyal sa pagbibigay pugay kay Del Pilar sa isang makulay na seremonya sa M. H. Del Pilar Street at Quirino Avenue sa Maynila.

Ang naturang okasyon ay kasabay ng pagdiriwang ng National Press Freedom Day.

“Sa ating panahon ngayon, datapwat wala ng mga Kastila na sumasakop sa ating bayan, marami pa ring mga problema na gumagambala sa ating Inang Bayan,” pagdidiin ni Villegas.

“Laganap ang fake news at mga bayaran na trolls sa social media na lumalason sa mga kaisipan ng ating mga kababayan. Marami ring mga mamamahayag na ginipit o pinatay dahil sa kanilang paglaban para sa katotohanan. At nakakalungkot din na mayroong mga mamamahayag na nabayaran para manahimik o di kaya para magkalat din ng fake news para makatulong sa ibang pulitiko.

Kaya mahirap talaga ang propesyon ng mga mamamahayag,” dagdag pa ni Villegas.

Narito ang buong tala ng mensahe ni Villegas sa Parangal at Paggunita kay Marcelo H. Del Pilar:

“Sa mga kasapi ng Samahang Plaridel, at sa mga panauhing pandangal, at sa aking mga mahal na kababayan, magandang umaga po sa inyong lahat.

Ako po ay si Rica Villegas, apo sa talampakan ni Plaridel. Ako ay apo ng yumaong Abogada Benita Marasigan-Santos, na siya namang anak ni Anita Del Pilar-Marasigan, na bunsong anak ng ating bayaning si Gat Marcelo H. Del Pilar.

Ako ay nagagalak na makasama kayong lahat ngayon sa inyong pag-alala sa aming Lolo Marcelo sa araw ng kanyang pagsilang. Nagpapasalamat ang aming angkan sa inyong patuloy na pag-alala at pagdiriwang sa aming Lolo Marcelo at sa kanyang mga nagawa bilang isang propagandista na lumaban para sa Kalayaan ng ating Inang Bayan.

Sa araw na ito, nais ko din po na magbigay pugay sa mga manunulat at mga mamamahayag at mga kasapi ng media na bumubuo sa Samahang Plaridel.

Sa aking pagkaka-alam, ang Samahang Plaridel ay nabuo para mapalaganap ang mga mithiin ni Plaridel, gaya ng katotohanan, pagiging patas, at iyong walang kinikilingan. Ang Samahang Plaridel din ay nabuo upang ipaglaban ang malayang pamamahayag o ‘freedom of the press,’ at ang dignidad ng profesyon ng pamamahayag.

Naniniwala po ako na hindi madali ang propesyon ng pamamahayag at pagtrabaho sa media. Noong panahon ni Lolo Marcelo, hindi madali ‘yung pagsulat laban sa mga katiwalian ng mga prayle, at hindi madali ‘yung pagsulat para ipaglaban ang mga karapatan ng mga Pilipino, at ang pagsulat para maisulong ang layunin ng Kalayaan para sa ating Inang Bayan.

Kung iisipin natin, maari naman manahimik na lang noon si Lolo Marcelo, para umiwas sa gulo at panganib, at para makapiling pa ang kanyang pamilya. Ngunit nanaig ang katapangan ni Lolo Marcelo, at ang kanyang pagmamahal sa ating Inang Bayan, kaya pinili niyang patuloy na magsulat at lumaban para sa mga paniniwala niya.

At dahil dito, napilitan siyang iwanan ang kanyang pamilya—pati ang bunso niya na si Lola Anita na 2 taong gulang pa lamang noon. Tumungo siya sa Espanya kung saan inubos niya ang kanyang personal na salapi upang ipagpatuloy ang propaganda niya sa pahayagang La Solidaridad. Sa 8 taon niyang pakikipaglaban doon sa Espanya, siya ay nakaranas ng kalungkutan, gutom, at mga sakit.

Hanggang sa siya ay namatay sa sakit sa edad na 45 taong gulang, isang pulubi, malayo sa kanyang pamilya, at malayo sa kanyang Inang Bayan.

Subalit, sa kabila ng lahat ng mga paghihirap na naranasan ni Lolo Marcelo sa buhay niya, natitiyak ko na wala siyang pinagsisihan, dahil alam niya kahit papaano ay nakatulong siya sa pagkamit ng ating Kalayaan.

Sa ating panahon ngayon, datapwat wala ng mga Kastila na sumasakop sa ating bayan, maraming pa ring mga problema na gumagambala sa ating Inang Bayan. Laganap ang ‘fake news’ at mga bayarin na trolls sa social media na lumalason sa mga kaisipan ng ating mga kababayan.

Marami ring mga mamamahayag na ginipit o pinatay dahil sa kanilang paglaban para sa katotohanan. At nakakalungkot din na mayroon mga mamamahayag na nabayaran para manahimik o di kaya para magkalat din ng ‘fake news’ para makatulong sa ibang pulitiko. Kaya mahirap talaga ang propesyon ng mga mamamahayag.

Pero sana po ay huwag po kayong sumuko sa harap ng mga pagsusubok na ito. Sana po ay patuloy pa rin ninyong isulat at ipaglaban ang katotohanan ng buong katapangan, alang-alang sa ikabubuti ng ating mga kababayan at ng ating bansa.

Tunay na mahalaga po ang responsibilidad at tungkulin ng mga manunulat at mamamahayag sa ating lipunan, kaya sana po ay huwag po kayong bibitiw o susuko sa patuloy ninyong paglaban para sa katotohanan at para sa ‘freedom of the press.’

Iyan ho marahil ang mensahe ng aking Lolo Marcelo ngayon para sa mga mamamahayag na katulad niya.

Mabuhay po kayong lahat, at pagpalain nawa ng Diyos ang ating bansang Pilipinas. Maraming salamat po.”