Jinggoy

Jinggoy ipinagbunyi karangalang nakamit ng PH sa Asian Youth Games

Jun I Legaspi Nov 12, 2025
452 Views

PINAPURIHAN ng Senado sapamamagitan ng isang resolusyon ni Senador Jose Jinggoy Estrada ang buong delegasyon ng Pilipinas matapos makapagtala ng pinakamahusay na performance ng bansa sa kasaysayan ng Asian Youth Games 2025 sa Bahrain, kung saan nagtapos ang Pilipinas sa ika-12 puwesto na may kabuuang 24 medalya—pitong ginto, pitong pilak, at sampung tanso.

“Ito ay sandali ng karangalan para sa atletang Pilipino,” ayon kay Estrada sa inihain niyang Senate Resolution No. 167. “Pinatunayan ng ating mga kabataang atleta na sa disiplina, dedikasyon, at puso, kaya nilang makipagsabayan sa pinakamagaling sa Asya. Ang kanilang tagumpay sa Bahrain ay patunay ng lakas ng ating kabataan at magandang kinabukasan ng sports sa bansa.”

Lumaban ang 141-kataong pambansang koponan sa 18 disiplina gaya ng volleyball, athletics, boxing, swimming, taekwondo, jiu-jitsu, weightlifting, at teqball, at pumangalawa sa mga bansa sa Timog-Silangang Asya kasunod ng Thailand.

Ayon kay Estrada, nalampasan ng 2025 team ang mga nakaraang kampanya ng bansa—limang medalya sa 2013 Nanjing Games sa China at dalawang medalya sa unang edisyon ng 2009 sa Singapore.

Kabilang sa mga nagwagi ng ginto sina Kram Airam Carpio (Pencak Silat, Girls’ 51–55 kg), Pi Durden Wangkay (Athletics, Boys’ 200 m), Charlie Ratcliff (Modern MMA, Girls’ 45 kg), Zeth Gabriel Bueno (Wai Kru 14–15, Boys), Lyre Anie Ngina (Wai Kru 14–15, Girls), Jan Brix Ramiscal at Tyron Jamborillo (Mixed Team Mai Muay), at Isabella Joseline Butler (Jiu-Jitsu, Girls’ 63 kg).

Nakakuha naman ng pilak sina Naomi Cesar (Athletics, Girls’ 800 m), Travis Ratcliff (Traditional MMA, Boys’ 60 kg), Jan Brix Ramiscal (Wai Kru 16–17, Boys), Jasmine Dagame (Wai Kru 16–17, Girls), Jamesray Ajido (Swimming, Boys’ 100 m butterfly), Kristen Ambriel Aguila (Taekwondo, Girls’ Poomsae), at Jhodie Peralta (Weightlifting, Girls’ 53-kg Snatch).

Ang mga nag-uwi ng tanso ay sina Alexander Tagure Jr. (Modern MMA, Boys’ 50 kg), Iyeshia Blair Bituin (Combat Discipline, Girls’ 51 kg), Aeden Roffer Cereño (Taekwondo, Boys’ Freestyle Poomsae), Crystal Cariño at Nicole Tabucol (Teqball, Girls’ Doubles), Jay-r Colonia (Weightlifting, Boys’ 56-kg Clean & Jerk), Alexsandra Ann Diaz (Weightlifting, Girls’ 48-kg Clean & Jerk), Princess Jay Ann Diaz (Weightlifting, Girls’ 44-kg Clean & Jerk), Jhodie Peralta (Weightlifting, Girls’ 53-kg Clean & Jerk), Leo Mhar Lobrido (Boxing, Boys’ 46 kg), at Mara-Alexandria Sarinas (Jiu-Jitsu, Girls’ 57 kg).

“Ito ang susunod na henerasyon ng mga Pilipinong kampeon at bayani ng sports,” ayon kay Estrada. “Patunay ito na ang pamumuhunan sa kabataang atleta at grassroots sports program ay nagbubunga ng pandaigdigang tagumpay.”

Pinuri rin niya ang mga coach, trainer, at medical staff sa likod ng tagumpay ng mga atleta at hinikayat ang pamahalaan at pribadong sektor na patuloy na suportahan ang mga programa para sa kabataan at sports development.

“Ang kanilang kuwento ay kuwento ng pag-asa, tatag, at dangal ng Pilipino—paalala na ang diwa ng ating kabataan ay tunay na world-class,” dagdag niya.