Calendar
Jinggoy pinasalamatan Zambales mangingisda sa pagtatanggol sa soberanya ng PH
NAGPAHAYAG ng matinding paghanga si Senate President Pro Tempore Jose Jinggoy Ejercito Estrada, at pagpupugay sa ipinakitang tapang ng mga mangingisda mula Zambales habang patuloy nilang ipinaglalaban ang kanilang mga karapatan sa kabila ng pangha-harass mula sa Chinese Coast Guard.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Senator Estrada ang katapangan ng mga mangingisda, na kanilang ipinakita hindi lamang para sa kanilang kabuhayan kundi pati na rin sa pagtatanggol ng soberanya ng bansa.
“Kahanga-hanga ang ipinamalas na katapangan at pagtatanggol sa karapatan ng ating kababayang mangingisda mula sa Zambales sa gitna ng panggigipit ng Chinese Coast Guard. Patunay ito na hindi natitinag ang diwa ng sambayanang Pilipino na itaguyod at protektahan ang soberanya ng ating bansa laban sa mga nanghihimasok sa ating teritoryo,” ani Estrada.
Binibigyang-diin din ng senador ang kahalagahan ng pagkilala sa papel ng mga karaniwang mamamayan sa pagprotekta sa mga karapatan at teritoryo ng bansa.
Hinimok din niya ang mga ahensya ng gobyerno na tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga mangingisda na humaharap sa mga mapanganib na sitwasyon sa dagat.
“Our fishermen are not only protecting their livelihood but also standing up for the rights of every Filipino. These ordinary Filipinos are true heroes and deserve our highest commendation and support,” dagdag pa ng senador.
Sinabi pa ni Estrada na ang matapang na pagtindig ng mga mangingisda ay isang paalala sa lahat ng Pilipino na kailangan natin na magkaisa sa kabila ng mga hamon, at panatilihin ang batas sa mga katubigan ng Pilipinas.
“Ang kanilang paninindigan sa ating karapatan ay nagpapaalala sa ating lahat ng kahalagahan ng pagkakaisa sa gitna ng mga mapanghamon na sitwasyon,” sabi ni Estrada.
Muling nanawagan si Estrada sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na magbigay ng kinakailangang suporta at proteksyon sa mga mangingisda.
Binigyang-diin niya ang pangangailangang panindigan ang soberanya ng Pilipinas, partikular na sa mga pinag-aagawang lugar tulad ng Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal), na isang tradisyunal na pangisdaan sa loob ng exclusive economic zone ng bansa.
“I urge all relevant government agencies to provide these fishermen with the necessary protection and assistance to ensure their safety and their right to fish in Philippine waters. We must stand with them and uphold the rule of law in our territorial waters. Atin ang Bajo de Masinloc,” pagtatapos ni Estrada.
Ang pahayag na ito ay inilabas kasabay ng pagtaas ng tensyon sa pagitan ng Pilipinas at Tsina kaugnay sa mga sigalot sa teritoryo sa South China Sea, kung saan madalas na ang mga mangingisdang Pilipino ang nasa unahan ng mga ganitong labanan.
Patuloy na pinaninindigan ng pamahalaan ng Pilipinas ang kanilang pangako na protektahan ang mga karapatan ng mga mangingisda habang isinusulong ang mga diplomatikong solusyon sa umiiral na mga alitan sa karagatan.