WPS Source: Armed Forces of the Philippines

Joint military patrols sa WPS todo suportado ni Hontiveros

45 Views

NAGPAHAYAG si Sen. Risa Hontiveros ng buong suporta sa mga joint military patrols sa West Philippine Sea (WPS) at pinuri ang pagsasama-sama ng Pilipinas at mga kaalyadong bansa nito na ayon sa kanya’y tanda ng paninindigan laban sa China sa rehiyon.

“The joint patrols are a clear display of our resistance to China’s bullying,” pahayag ni Hontiveros.

Binibigyang-diin niya na ang presensya ng mga pwersa ng kaalyado, kabilang ang Estados Unidos, Australia, Japan, at New Zealand nagpapadala ng malinaw na mensahe sa Beijing na nagkakaisa ang internasyonal na komunidad sa pagtatanggol sa rules-based order sa South China Sea.

“It has always been clear that it is China that is provoking tensions in the West Philippine Sea and not us. It is China who must stop her aggression,” sabi pa ng senador.

Nanawagan siya sa China na igalang ang mga obligasyon nito sa ilalim ng international law, partikular na ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na nagpapatibay sa karapatan ng Pilipinas sa WPS.

“It’s time for the Chinese government to uphold and honor its commitments to the international framework established by UNCLOS and the BBNJ Agreement,” giit ni Hontiveros.

Si Hontiveros, na tagapagtanggol ng soberanya ng Pilipinas, patuloy na humihiling ng mas malakas na diplomatic at military responses laban sa mga aksyon ng China sa gitna ng ginagawa nito sa Pilipinas.

Naniniwala siya na ang mga joint patrols isang mahalagang hakbang upang protektahan ang teritoryal na integridad ng Pilipinas at tiyakin ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon.

Ayon sa mga ulat kamakailan, may mga barkong Tsino na sinusundan ang mga joint maritime exercises ng Pilipinas at mga kaalyado nito sa West Philippine Sea.

Sa kabila ng presensya ng navy ng China, ang multilateral maritime cooperative activity (MMCA), na kinabibilangan ng Australia, Japan, New Zealand, at Estados Unidos, nagpatuloy nang walang aberya.

Ang mga joint patrols na ito naglalayong palakasin ang kooperasyong pangdepensa at tiyakin ang kalayaan ng paglalayag sa mga pinag-aagawang karagatan.

“The joint patrols are a clear display of our resistance to China’s bullying,” ani ni Hontiveros, binibigyang-diin na ang mga pinagsamang pagsisikap na ito ay nagpapakita ng nagkakaisang posisyon laban sa anumang anyo ng karahasan, banta o intimidasyon.

Binigyang-diin niya kung paano ang mga joint naval exercises na ito nagpapalakas ng seguridad sa karagatan at nagpapahusay sa kakayahang pangdepensa ng mga kalahok na bansa, partikular na sa mga estratehikong mahalagang karagatan ng West Philippine Sea.

Ang MMCA, na nasa ikaapat nitong yugto, nagsimula noong Abril 2024 at patuloy na lumalawak, kasama na ang Royal Canadian Navy sa mga kasunod na pagsasanay.

Nanindigan si Hontiveros na ang mga provokasyon ng China, hindi ang mga joint patrols, ang nagpapalala ng tensyon sa WPS at nanawagan sa gobyernong Tsino na itigil ang panggigipit nito para sa kapayapaan ng buong rehiyon.