Calendar
Nagsagawa ng bomb sweep kaakibat ang K-9 dog ang District Explosives and Canine Unit ng Manila Police District Personnel Paneling sa paligid ng Jose Abad Santos High School para sa seguridad ng mga estudyante, matapos makatanggap ng mensahe na may bomba sa kanilang eskuwelahan sa Binondo, Manila.
Jose Abad Santos High School tinakot ng mensahe: May 3 bombs sa iba’t ibang bldg
AGAD rumesponde sa Jose Abad Santos High School sa Binondo, Manila, ang Manila Police District (MPD) San Nicolas police community precinct (PCP) nang iniulat na may bomba sa paaralan umaga ng Huwebes.
Ayon sa nakatanggap ng mensahe na isang 17-anyos na babaeng estudyante, nagmula ito sa Facebook account ng isang “KIKO LORENZ.”
Batay sa mga pahayag na ibinigay ng mga testigo, bago ang pangyayari, habang sila ay nasa eskuwelahan, nakatanggap siya ng mensahe sa kanyang Facebook Messenger na nagmula sa kapuwa mag-aaral na 15-anyos na babae, na nakuha ang mensaheng ito mula sa nabanggit na Facebook account: “JUST U TO KNOW, I PLANTED 3 BOMBS TO YOUR SCHOOL JOSE ABAD SANTOS THERE ARE 3 BOMBS IN HERE FROM DIFFERENT BUILDINGS.”
Ang mensaheng ipinasa ay may kasamang larawan ng umano’y bomba.
Nang mabasa ang nasabing mensahe ay agad niyang ipinaalam sa kanilang guro at isa pang faculty na kaagad namang ini-report sa pulisya sa San Nicolas.
Dahil dito, sina PLt. Samuel Y. Caalla, commander ng San Nicolas PCP, at PLt. John Paulo B. Dismaya, na siyang officer of the day, ay nagresponde at nagtungo sa lugar kasama ang iba pang pulisya at mga miyembro ng Intelligence Section ng police station (PS) sa ilalim ni PLt. Col. Inocencio Richard A. Villanueva, station commander ng PS 11.
Nagsagawa ng search at siniguradong ligtas ang paligid ng paaralan.
Ang District Explosives and Canine Unit ng MPD, sa pangunguna ni PCMS Alejandro Pancho, ay agad na tumugon at nagsagawa ng bomb sweep kasama ang mga K-9 personnel at paneling sa paligid ng paaralan.
Pagkatapos ng masusing paneling, walang bomba at mga mapanganib na materyales ang natagpuan.
Nagsasagawa na ng karagdagang imbestigasyon ang mga tauhan ng police station para sa posibleng pagkakakilanlan at maaresto ang suspek.

