Flood

JV sa iregularidad sa flood control projects ‘Kailangan may managot para iba magtanda, matakot’

257 Views

KAILANGAN na may managot.

Ito ang mariing iginiit ni Senador Joseph Victor “JV” Ejercito kung saan ay sinabi niyang napapanahon na upang papanagutin ang mga sangkot sa umano’y iregularidad sa mga flood control projects ng pamahalaan upang aniyaý magsilbing babala at mapigilan ang pang-aabuso sa pondo ng bayan.

Ang panawagan na ito ni Sen. Ejercito ay tugon sa ginawang State of the Nation Address ng Pangulong Ferdinand Marcos jr. kung saan ay ibinulgar ng Pangulo ang kawalan takot ng ibang mga opisyales at kontratista para abusuhin ang mga flood control project na nagiging sanhi ng baha sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila at ibat ibang bayan sa buong bansa.

“May pananagutan dapat, para magtanda at matakot yung iba,” pahayag ng senador sa Kapihan sa Senado forum, nang tanungin tungkol sa mga kontrobersiya sa proyekto.

Batay sa datos na kanyang tinukoy, umaabot sa ₱350 bilyon kada taon—o halos ₱1 bilyon bawat araw—ang inilalabas ng gobyerno para sa flood control. Ngunit 20 porsyento umano ng ₱545 bilyong pondo para rito ay napunta sa 15 kontraktor lamang.

Idinetalye rin ni Ejercito na may mga proyektong binago matapos ang budget hearings sa pamamagitan ng “erata.” Mula sa orihinal na plano para sa pumping stations sa mga lugar na laging binabaha, ito’y pinalitan ng drainage improvements at slope protection kahit kumpleto na ang dokumentasyon sa loob ng tatlong taon.

Iminungkahi ng senador na unahin ang sampung pinaka-bahain na lugar sa bansa, magsagawa ng reshuffling ng mga district engineer upang maiwasan ang “pakikisamahan” sa mga lokal na opisyal, at bumuo ng isang independiyenteng ahensya para sa patas na imbestigasyon.

Samantala, pinuri ni Ejercito ang paglulunsad ng sumbong sa pangulo.ph online portal para sa mga reklamo ng mamamayan, gayundin ang alok na tulong ni San Miguel Corporation president Ramon Ang para labanan ang pagbaha sa Metro Manila.