Calendar
Factory worker umawat sa kelot na nagwawala, nasaksak
SINAKSAK ng 22-anyos na pedicab driver ang binatang factory worker na umawat lang sa kanya sa ginagawang pagwawala Linggo ng hapon sa Malabon City
Naaresto naman kaagad ng mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Allan Umipig ang suspek na si alyas “Willy”, residente ng Rosita st. Brgy Santulan nang makapagresponde kaagad sa lugar makaraang makatawag sa 911 ang mga nakasaksi sa insidente.
Nalapatan naman kaagad ng lunas ang tinamong saksak sa kamay nang biktimang si Joshua Importante, 26, ng Templora St. sa naturan din barangay, matapos niyang sanggahin ang patalim na itatarak sana sa kanyang katawan ng suspek.
Sa ulat ni Umipig kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio, nakikipag-inuman ang biktima sa mga kaibigan nang magwala sa hindi pa batid na dahilan ang suspek, malapit sa lugar na kanilang pinag-iinuman.
Tinangkang payapain ni Importante ang suspek subalit siya ang napagbalingan ng galit sabay bunot ng patalim at inundayan ng saksak ang biktima na nasangga naman ng kanyang kamay.(edd reyes)

