Yorme

Yorme Isko: Pagkakamali ng iba, dapat itama

Edd Reyes Aug 11, 2025
274 Views

KUNG mali ang simula, mali na ang katapusan”

Ito ang naging paalala ni Mayor Isko Moreno Domagoso sa Department of Assessment Manila (DAM) sa kanyang talumpati matapos ang regular na pagpupugay sa watawat ng Pilipinas Lunes ng umaga sa Kartilya ng Katipunan.

Ayon sa alkalde, wala siyang ibang direktiba kay Atty. Cristina Fernandez, ang Officer-in-Charge ng DAM kundi ang maging patas at malinaw na pagkukuwenta sa tamang halaga ng buwis ng walang pagmamalabis sa mga taxpayer.

“Itama natin yung pagkakamali ng iba. Huwag na nating ipagpatuloy yung pang-aabuso ng mga nagdaan kaya we have to move forward, we have to correct it and start it right,” pahayag ng alkalde matapos niyang sabihin na isa sa mga kagawaran ang Department of Assessment kung saan nakasalalay ang patuloy na pagpapatakbo ng maayos na pamahalaan ng Maynila.

Ipinaalalahanan din ni Yorme Isko ang mga empleyado at Manileño hinggil sa paggamit ng teknolohiya sa proseso ng assessment upang mabawasan ang human intervention at masiguro ang maayos, tama, at masinop na pagtatasa.

Binigyang diin ng alkalde ang kahigpitan laban sa katiwalian sa proseso ng pagtatasa at hinikayat ang kooperasyon ng bawa’t isa para sa magandang pagbabago.

“Hindi naman para sa akin ito, para ito sa 1.9 million Manilenos. They deserve better things from their government,” dagdag pa ni Yorme Isko.

Nauna ng ibinalita ni Atty. Fernandez bago niya ipakilala ang alkalde, na sa kabila ng overhauling ng proseso at data clean-up, nakapag-issue na ang kanyang tanggapan ng 1,303 certifications, 1,589 new tax declarations, at nakapagproseso ng 491 transfer at cancellation transactions ng mga ari-arian, at umabot din sa ₱559,288,941,521 ang kabuuang assessed value ng properties na kanilang tinasa.

Sa unang linggo aniya ng Agosto, nakapag-isyu rin ang kanilang departamento ng bagong tax declarations para sa mga ari-arian na may total assessed value na ₱16,833,260 habang ang kanilang kabuuang koleksyon noong Agosto 7, 2025 ay umabot sa ₱60,650,026.59 kaya unti-unti na nilang naaabot ang target collection sa 2025 at nakuha na ng pamahalaang lungsod ang obligasyon sa mga empleyado, kuryente, at mga suppliers.