Calendar
QC nagdeklara ng gera vs bullying, diskriminasyon
INILUNSAD ng Quezon City at ng Department of Education-Schools Division Office ng Quezon City (DepEd QC) ang BAD (Bullying at Diskriminasyon) ‘Yan!, isang komprehensibong anti-bullying campaign sa mga pampubliko at pribadong paaralan.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, layunin ng BAD (Bullying at Diskriminasyon) ‘Yan! na itaas ang kamalayan, mahikayat ang mga biktima na mag-report at palakasin ang mga intervention sa mga kaso ng bullying at discrimination.
Layunin din nito na gawing ligtas ang lahat ng mga paaralan sa lungsod at magkaroon ng inclusive spaces para sa bawat mag-aaral.
Hindi lamang mareresolba ng inisyatiba ang physical at verbal bullying, kundi pati ang cyberbullying o digital harassment na malaking problema ng mga mag-aaral, magulang at educator.
Sisikapin ng kampanya na mawala na nang tuluyan ang mga kaso ng diskriminasyon upang matiyak na wala nang mga mag-aaral na magiging biktima nito dahil sa kanilang kasarian, relihiyon, socioeconomic status, appearance at disability.
Kinikilala ng pamahalaang lungsod na magdudulot ng distress at kawalan ng kumpiyansa sa isang bata ang bullying at diskriminasyon.
Nangako ng buong suporta ang DepEd-QC sa kampanya na kung saan aktibong makikilahok ang mga division official, prinsipal at guro.
Tutulong din ang mga magulang youth leaders, barangay officials at iba pang organisasyon na magkaroon ng ligtas na learning environment.
Sa ginanap na two-day Education Summit, ipinahayag ng mga mag-aaral, education stakeholder at lokal na opisyal ng lungsod ang Quezon City Pledge Against Bullying and Discrimination.
“The fight against bullying is not won by schools alone. It takes the collective effort of families, communities and leaders to shape an environment where respect and kindness prevail. With B.A.D ‘Yan!, we unite all QCitizens to protect our children and nurture them into compassionate and responsible citizens,” sabi ni Belmonte.
“Schools are the second home of our students, and it is our duty to keep them safe,” sinabi naman ni Schools Division Superintendent Carleen Sedilla.
“We will do everything we can to keep our schools places where every learner is respected and protected. B.A.D. ‘Yan! is a message that is simple to remember, yet powerful enough to inspire change,” sinabi pa ni Sedilla.
Ayon kay Sedilla, mag-iisyu ang DepEd QC ng isang Division Memorandum na magbabalangkas sa mga partikular na hakbang at aktibidad bilang suporta sa B.A.D. ‘Yan! Campaign.
Nananawagan ang opisyal sa education stakeholders na magsalita, makialam at makiisa sa paglaban sa bullying at diskriminasyon.
Maaaring mag-report ang mga mag-aaral sa mga school authority tungkol sa bullying sa Helpline 122.

