BBM1

K-12 program masusing nirerepaso—PBBM

179 Views

MASUSI umanong nirerepaso ang implementasyon ng K-12 program ng Department of Education (DepEd).

Ayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ikinokonsidera ang lahat ng mga maaaring gawin kaugnay ng programa na ang layunin ay mapataas ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

“There have also been lengthy discussions on the continuation and viability of the K-12 school system. We are giving this a careful review, and all necessary inputs and points of view are now being considered,” sabi ni Marcos sa kanyang State of the Nation Address (SONA).

Kasabay umanong ilalatag ng gobyerno ang refresher course at re-training ng mga guro upang mahasa ang mga ito sa paggamit ng mga bagong teknolohiya upang mapabuti ang kanilang pagtuturo.

Sinabi ni Marcos na dapat na matuldukan na ang paggamit ng mababang kalidad ng educational materials at supplies sa mga paaralan.

“Ang edukasyon ay ang tangi nating pamana sa ating mga anak na hindi nawawaldas. Kaya anumang gastusin sa kanilang pag-aaral ay hindi tayo magtitipid. Hindi rin tayo magtatapon,” sabi pa ni Marcos.

Iginiit ng Pangulo na dapat ay maging epektibo ang mga ginagamit sa pagtuturo upang mabilis na matuto ang mga estudyante.

Habang kasado na ang pagbabalik ng face-to-face classes sa Nobyembre, sinabi ni Marcos na patuloy na isinasaalang-alang ang kaligtasan ng mga mag-aaral.

“We must ensure that our classrooms are safe for teachers, for students, and the entire academic community when they return to face-to-face classes. We continue to encourage everyone to get their booster shots in preparation for the resumption of in-person classes,” dagdag pa ng Pangulo.

Muli ring inulit ni Marcos ang kahalagahan na maibalik ang English bilang medium of instruction sa mga paaralan.