Tansingco Photo courtesy ng Bureau of Immigration

Ka-akusado ni Cedric may aktibong derogatory record

Jun I Legaspi May 4, 2024
106 Views

IBINUNYAG ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco na ang isa sa mga akusado sa kasong serious illegal detention ng artistang si Vhong Navarro na si Ferdinand Guerrero ay may aktibong derogatory record.

Sinabi ni Tansingco na batay sa kanilang beripikasyon sa record ng BI, lumitaw na si Guerrero ay kasama sa active alert list order dahil sa kanyang warrant of arrest mula sa Regional Trial Court (RTC) ng Pasig noong April 2014.

Kung maharang si Guerrero sa anumang pantalan at paliparan ay agad itong itu-turnover sa pulisya para sa pagsisilbi ng warrant of arrest.

Bukod sa alert list, si Guerrero ay kasama rin sa active immigration lookout bulletin na inilabas noobng 2014.

“So far, we have no record of any recent travel. Any future attempts to depart will be stopped as his name is already in our records,” saad ni Tansingco.

Si Guerrero ay isa sa apat na sinentensyahan sa kasong isinampa ni Navarro.

Sa ruling ng Taguig RTC, idineklarang guilty si Guerrero, kasama sina Cedric Lee, Deniece Cornejo at Simeon Raz, at hinatulan ng reclusion perpetua.

Sa apat, si Guerrero ang nakalalaya.

Nag-ugat ang kaso sa insidente noong 2014 kung saan inakusahan ni Navarro ang mga akusado na bumugbog sa kanya at binantaan siyang papatayin.