House Speaker Martin G. Romualdez

Kahandaan ng gobyerno sa ‘The Big One’ nais matiyak ni Speaker Romualdez

208 Views

INIHAYAG ni House Speaker Martin Romualdez na mahalagang matiyak ang kahandaan ng pamahalaan, lalo na ang mga firts responders, sakaling tumama ang malakas na lindol o tinatawag na “The Big One” sa bansa, lalo na sa National Capital Region (NCR).

Una nang nagbabala ang mga eksperto na maaaring libu-libo ang magiging biktima ng nasabing lindol, tulad ng nangyari sa Turkey at Syria, kung walang paghahanda ang bawat isa.

Dahil dito, sinabi ng House Speaker na, “We want to find out if we are really ready at ano ang dapat gawin ng publiko.”

“Na-experience na kasi natin ito during Yolanda na yung mga first-responders naging biktima ng nasabing delubyo,” dagdag pa ni Romualdez.

“Sino ang papalit sa kanila, do we have enough equipment to dig through rubbles o may sapat ba na food packs ang gobyerno sa libu-libong maaapektuhan ng lindol na ito,” pahayag pang mambabatas na mula sa Leyte.

Matatandaang nitong Lunes ay dumating si Turkey Ambassador Niyazi Aykol sa Kongreso para tanggapin ang $100,000 ang personal donation ni Romualdez para sa mga biktima ng lindol sa nasabing bansa.

Sinabi ni Ambassador Aykol kay Romualdez na 20 taon na raw nilang alam na tatama ang isang malakas na lindol pero hindi nila inakala na ganito ito kalakas.

Kaya naman gustong malaman ni Romualdez kung gaano kalakas na lindol o intensity ang kakayanin ng National Capital Region (NCR) at ilan ang projected casualties.

Balak ni Speaker na ipatawag ang lahat ng disaster agencies at first responder units para malaman kung may operational plan o ‘Oplan’ na ang pamahalaan.

Aniya, “do we have enough equipment and manpower? Kasi very critical ang first 24 hours. Kasi if we don’t have then let’s prepare and anticipate.”

“We really have to be ready from rescue to medical attention and food distribution,” ani Romualdez.

“Siyempre before anything else, kailangan malaman din natin kung gaano katibay ang mga building at istraktura natin,” pahabol pa ni Romualdez.