Calendar
Kahanga-hangang Grade 7 na estudyante
LUMOBO na pala sa P3.85 bilyong piso ang kabuuang kontribusyon ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para sa taong 2026 matapos itong aprobahan ng kanilang Lupon.
Dahil sa naturang kontribusyon, may kabuuan ng pinagsama-samang remittances ang PCSO sa PhilHealth mula taong 2022 na tinatayang P13.98 bilyon sa pagtatapos ng taong 2026.
Bukod sa paglobo ng kontribusyon ng ahensiya sa PhilHealth, nakapag-remit na rin pala sila ng kabuuang P11.47 bilyon sa Bureau of Treasury mula noong 2022 at inaasahan na bago matapos ang kasalukuyang taon, aabot na sa tinatayang P13.98 bilyon ang kanilang maibabahagi sa kaban ng bayan.
Sa paglaki ng kanilang kontribusyon sa PhilHealth, sinabi ni PCSO General Manager Melquiades Robles na makakatulong ito para mapalakas ang pagkakaloob ng proteksyon sa kalusugan ng mga pasyenteng Pinoy at kanilang pamilya, lalu na’t mabigat sa bawat isang tahanan ang gastusing medikal.
Sabi pa ni Robles, nakasandal sa PhilHealth ang bawat pamilyang Pilipino na nararatay sa mabigat na karamdaman na nangangailangan ng atensiyong medikal kaya’t bilang suporta sa pangangalaga sa kalusugan na siya ring panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., nilakihan nila ang kontribusyon upang matulugan ang bawat mamamayan sa pagbalikat ng mataas na bayarin sa pagpapagamot.
Sa ilalim kasi ng Universal Health Care Act, mandato ng PCSO na maglaan ng 40% sa kanilang Charity Fund upang suportahan ang implementasyon nito upang sa gayon ay mapagbuti ang benepisyong ilalaan sa mga miyembro ng PhilHealth at kanilang kuwalipikadong pamilya.
Ayon pa kay Robles, hindi ito simpleng obligasyon lamang ng PCSO kundi bahagi aniya ito ng kanilang responsibilidad para matiyak na lahat ng kinikita ng ahensiya ay naibabalik sa mamamayan sa pamamagitan ng proteksiyon sa kanilang kalusugan, mapanatili ang kanilang dignidad at mabawasan ang binabalikat na gastusin sa panahon ng pangangailangan.
Grade 7 na estudyante isinoli napulot na mamahaling mobile phone
Humanga si Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon sa ipinamalas na kabutihan at katapatan ng Grade-7 na estudyante ng Muntinlupa Business High School-Main nang isoli sa may-ari ang napulot na iPhone 17 Pro Max na nagkakahalaga ng P93,000.00
Sabi ng alkalde, sa panahong tila normal na ang mga balita tungkol sa karahasan sa paaralan, pambubully, at mga kabataang naliligaw ng landas, may isang tulad ng 12-taong gulang na si R-jay Ibarbia na hindi nawawala ang kabutihan ng loob.
Sa ngayon aniya, ang tunay na tagumpay ng edukasyon ay hindi lamang nasusukat sa matataas na grado kundi mas mahalaga ang paghubog ng mga kabataang marunong pumili ng tama kahit walang nakakakita.
Sinabi ni Mayor Biazon na ang kuwento ni R-jay ay nagpapatunay na ang mga kabataan ay hindi lamang pag-asa ng bayan kundi sila rin ang pag-asa ng mas ligtas, mas mabuti, at mas makataong kinabukasan.
Isa aniyang inspirasyon sa bawat kabataang Muntinlupeño si R-jay na dapat tularan ng marami dahil ang tunay na dangal ay hindi nasusukat sa kung ano ang pagmamay-ari natin, kundi sa kung sino tayo kapag walang nakakakita.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com
