Calendar
Kahusayan ng mga alkalde sa CAMANAVA lutang na lutang
SWAK ang apat na alkalde sa hilagang bahagi ng Metro Manila sa pinakamahusay na gumaganap sa tungkulin at pinaka-pinagkakatiwalaan sa hanay ng mga Punong Lungsod sa buong bansa na kinomisyon ng RPMD Foundation Inc. sa unang bahagi ng taong 2026.
Kabilang sa mga nakasama sa mga inuri sa loob ng pambansang cluster na may pinakamataas na ranggo sina Malabon City Mayor Jeannie Sandoval, Navotas City Mayor John Rey Tiangco, Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian, at Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan.
Pasok ang apat na Punong Lungsod sa unang 12 mga alkalde sa buong bansa na napili sa pamamagitan ng Boses ng Bayan Index of Governance (IOG) ng RPMD Foundation Inc., na isang solusyon sa pagsukat ng tiwala ng publiko at paghahatid ng serbisyo ng pamahalaan.
Nakakuha si Mayor Sandoval ng 88.02% IOG, 87.85% trust, at 88.20% performance; Si Mayor Tiangco ay may 87.78% IOG, 87.62% trust, at 87.95% performance: Mayroon namang 87.15% IOG, 86.98% trust at 87.33% performance si Mayor Gatchalian, habang si Mayor Malapitan ay may 87.01% IOG, 86.75% trust, at 87.28% performance.
Lutang na lutang ang kahusayan sa pamamahala ng apat na alkalde ng CAMANAVA area dahil mismong kanilang mga nasasakupang mamamayan ang nagpahayag ng kani-kanilang pagtitiwala sa kanilang kahusayan, patunay ang maayos na pagkakaloob ng serbisyo, paglikha ng mga programa, proyekto, at imprakstraktura para sa kapakinabangan ng kanilang mga nasasakupan.
Nanguna naman sa 12 mga alkalde ng lungsod sa buong bansa na mahusay sa pagganap at pinagkakatiwalan sina Quezon City Mayor Joy Belmonte, Candon City Mayor Eric Singson, at Naga City Mayor Leni Robredo, habang sumunod sa apat na alkalde sa CAMANAVA sina Mandaue City Mayor Jonkie Ouano, Talisay City Mayor Samsam Gullas, Pasig City Mayor Vico Sotto, Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, at Dumaguete City Mayor Chiqiting Sagarbarria.
Nuclear power plant sagot sa mataas na singil sa kuryente
MARAMI ng panawagan sa Kongreso na amiyendahan na ang R.A. No. 9136 o ang Electric Power Industry Reform Act of 2001 lalu na’t hindi naman lubusang natupad ang dalawang mahalagang layunin nito.
Kabilang dito ang i-restructure at gawing competitive ang industriya ng kuryente at isaayos ang mga singilin at protektahan ang kapakanan ng mga consumer na sa tingin ng marami ay hindi naman natupad.
Sa katunayan, mismong ang Department of Energy na ang nagsabi na ang Pilipinas ang may pinakamataas na singil sa kuryente sa buong South-East Asia sa buwan ng Hunyo ngayong taon matapos pumalo sa P12.43 ang singil kada kilowatt-hour.
Marami kasing dahilan kung bakit napakataas ng bayad sa kuryente sa Pilipinas at isa na rito ang inaangkat nating fossil fuels tulad ng uling o coal at liquefied natural gas, kawalan ng subsidiya ng gobyerno sa elektrisidad, 12% bayad sa VAT, at marami pang iba kabilang na ang System Loss Charge o yung nanakaw na kuryente sa Meralco.
Sa pahayag nga ni Nic Satur, Jr, ng Partners for Affordable and Reliable Energy (PARE), binabale-wala lang ng Meralco ang mga nagnanakaw ng kuryente dahil hindi naman sila malulugi rito kasi nga ay sinisingil nila ito sa mga consumer na hindi nagnanakaw ng kuryente.
Sabi pa niya, kung ikaw ay ninakawan, ang una mong hihingan ng tulong ang mga awtoridad nang sa gayon ay matigil na ang pagnanakaw at hindi yung sisingilin mo sa kapitbahay mo na wala namang kinalaman sa pagnanakaw ang nawala sa iyo.
Siguro, panahon na para seryosong tutukan ng Kongreso, hindi lang ang pag-amiyenda sa EPIRA Law, kundi ang pagsusulong sa pagtatayo ng nuclear power plant. Kahit kasi marami pang bansa sa Asya ang wala pa rin nito, marami sa kanila ang kasalukuyan ng nagtatayo ng kanilang unang pasilidad para matugunan ang lumalaking pangangailangan sa enerhiya.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com
