Noel Damot

Kakaibang Uri ng Pagkalimot

Noel Damot Mar 5, 2022
314 Views

BATID marahil ng sinomang pamilyar sa kasaysayan na ang ating bansa ay isinailalim sa batas militarnoong Setyembre 1972 na tumagal ng mga walong taon bago ito tuluyang iangat noong unang bahagi ng dekada 80.

Yung mga ipinanganak sa panahon ng martial law ay mga nasa kuwarenta anos na pataas ang mga edad.

Ibig sabihin, matagal nang natapos ang panahon ng batas militar.

Pero bakit kaya sa kabila ng mahabang panahon, pilit pa rin itong binubuhay at nananatiling bukambibig ng isang maliit na sektor ng ating lipunan?

Mula pa noong 1986 at hanggang sa kasalukuyan, pilit itong isinasama sa pambansang usapin – mula sa mga artikulo sa mga pahayagan at iba pang lathalain, at maging sa mga panayam ng mga tinatawag na dalubhasa sa kasaysayan at pulitika na ibinabahagi at ikinakalat sa social media.

Kasama sa maliit na sektor na ito ang mga kababayan nating nagtitiyagang magpunta at mag-rally tuwing sasapit ang ikatlong linggo ng Pebrero taon. Nung simula sa paanan ng isang rebulto sa harapan ng Robinsons Galleria – at ng kalaunan naman sa paanan ng isa na namang rebulto na nasa kanto ng EDSA at White Plains Avenue.

Nung nakaraang Biyernes lamang, naulit na naman ito at nagsipagpunta ang kakapiranggot na bilang ng ating mga kababayan sa nasabing lugar para ipakita na marami silang oras para gumawa ng placard at kaya nilang magbilad sa ilalim ng tirik na araw.

At gaya ng nakagawian sa lumipas na tatlumput-anim na taon, bukambibig na naman nila ang ayon sa kanila’y pagmamalabis at pangaabuso na naganap noong panahon ng martial law – mula sa iligal na pag-aresto, pagkawala, pagkulong, tortyur at iba pang pang-aabuso sa karapatang pantao – na sinasabing kagagawan ng mga pwersa ng estado sa panahong iyon.

At dahil malapit na maghalalan, hindi nila pinalampas at pinsaringan pa ang nangungunang kandidato sa pagkapangulo – ang dating senador na si G. Ferdinand Marcos Jr. o mas kilala bilang BBM.

Ayon sa mga kababayan nating mahilig magbilad sa ilalim ng araw “natatakot silang bumalik ang martial law kapag nahalal si Ferdinand Marcos, Jr. bilang pangulo” at dahil diyan, ipinagsisigawan nila na hindi siya dapat iboto ng mga tao.

Sa puntong ito, mainam na tanungin at malaman kung ano ba ang batayan nitong maliit na grupo na ito sa kanilang panawagan sa taumbayan na tanggihan si BBM sa halalan sa Mayo?

Wala akong makitang iba pang dahilan na pwede nilang sabihin kundi ang payak na katotohanang si BBM ay anak, at tangan ang pangalan ng yumaong Pangulong Ferdinand E. Marcos.

At dahil dito, nais nilang panagutin si BBM sa mga diumano’y pang-aabusong naganap sa panahon ng batas militar. At gusto nilang parusahan si BBM sa pamamagitan ng panawagan sa mga tao na huwag siyang iboto sa darating na halalan.

Mababaw hindi po ba?

Hindi ba’t binatilyo pa lamang si BBM noong ideklara ang martial law noong 1972?

Hindi ba’t nag-aaral sa ibang bansa si BBM sa pagitan ng 1972 at 1981?

Hindi ba’t walang kinalaman si BBM sa pagpapatupad ng batas militar at ang mga umano’y kalabisan na naganap noong panahong iyon?

Sa lagay na ito, makatarungan at nararapat bang sisihin, akusahan, ituro at panagutin si BBM kaugnay sa mga naganap noong panahon ng batas militar?

Hindi, di po ba?

Kung talagang gusto ng mga kababayan nating mahilig magrally at magbilad sa ilalim ng araw na may masisi at managot sa mga pang-aabuso na diumano’y naganap noong panahon ng batas militar, dapat siguro ay ibaling nila ang kanilang pansin sa ahensya o na nagpatupad ng batas militar at sa namuno nito.

Walang iba kundi si Fidel Ramos o mas kilala bilang FVR na siyang naging hepe ng Philippine Constabulary (PC) na kalaunan ay na-reorganisa bilang Integrated National Police (INP). Ang katotohanan, anumang utos para sa pagpapaaresto, pagpapakulong, pagpapahirap sa panahon ng batas militar, ay nagmumula sa, at ipinatutupad ng PC/INP ni Ramos.

Gayunpaman, nakakagulat na may mga kababayan tayo na sa pagpupumilit na isisi ang batas militar kay BBM at sa pamilya nito, ay nagpapakita ng kakaibang klase ng pagkalimot pagdating sa mga personalidad na tunay na may kagagawan sa papapatupad nito at tunay na kailangang managot dito.

Kakaibang sakit ng pagkalimot ito, dahil sampung taon lamang mula nang iangat ang batas militar, kahit ang mga pinakamasugid na kritiko ng batas militar tulad ng isa sa mga convenor ng grupong tinatawag na 1sambayan, ay minabuti pang suportahan at iluklok ang dating hepe ng PC/INP bilang pangulo ng bansa.

Masaklap di po ba?