Martin Nagbigay ng mensahe si. Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa commemoration ng 126th Anniversary ng Proclamation ng Philippine Independence a Barasoain Church sa Malolos City, Bulacan, Miyerkules ng umaga. Kuha ni. VER NOVENO

Kalayaan may kaakibat na responsibilidad na ipaglaban makatarungang lipunan — Speaker Romualdez

101 Views

Martin1IPINAALALA ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa mga Pilipino na ang kalayaan at kasarinlan ay mayroong kaakibat na responsibilidad na ipaglaban ang isang makatarungang lipunan.

Ginawa ni Speaker Romualdez ang pahayag sa pagdiriwang ng ika-126 Araw ng Kalayaan sa makasaysayang Barasoain Church, sa Malolos, Bulacan, kung saan isinilang ang unang demokratikong republiko.

Nakasama ni Speaker Romualdez sa event ang ilang miyembro ng Kamara de Representantes at mga lokal na opisyal sa pangunguna ni Bulacan Gov. Daniel Fernando.

“Sa araw na ito, hindi lamang natin ginugunita ang kanilang kabayanihan kundi tinatanggap din natin ang hamon na kanilang iniwan,” ani Speaker Romualdez.

“Ang kalayaan ay hindi lamang isang pribilehiyo kundi isang responsibilidad. Tayo, bilang mga Pilipino sa makabagong panahon, ay may tungkuling ipagpatuloy ang laban para sa kalayaan—hindi lamang laban sa mga mananakop, kundi laban sa kahirapan, katiwalian, at kawalan ng katarungan,” dagdag pa nito.

Ayon sa lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan ang Independence Day ay isa ring okasyon upang pag-isahin ang bansa patungo sa maunlad at makatarungang lipunan.

“Ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ay hindi lamang pagbabalik-tanaw sa ating makulay na kasaysayan. Pagkakataon din ito para tayo’y magkaisa sa pagbuo ng isang mas maunlad at makatarungang lipunan. Sa bawat hakbang natin patungo sa kaunlaran, nawa’y lagi nating tandaan ang mga aral ng nakaraan at ang mga sakripisyo ng ating mga ninuno,” sabi pa nito.

Sinabi ni Speaker Romualdez na isang karangalan at prebilihiyo para sa kanya ang mabigyan ng oportunidad na sila ay makasama sa pagdiriwang ng Independence Day.

“Isang malaking karangalan na makasama kayo sa pagdiriwang natin ng Araw ng Kalayaan dito sa makasaysayang Simbahan ng Barasoain sa Bulacan. Mahalaga ang papel ng Simbahan ng Barasoain sa ating kasaysayan. Dito isinilang ang Unang Republika ng Pilipinas, ang kauna-unahang demokratikong republika sa Asya,” saad pa nito.

Ayon kay Speaker Romualdez ang makasaysayang simbahan ay nagsilbing saksi sa pagtatayo ng 1898 Congress at ang pagsasagawa rito ng unang sesyon at kung saan ang Malolos Constitution ay isinulat.

“Ang mga sakripisyo at kabayanihan ng ating mga ninuno dito sa Barasoain ay isang paalala sa atin ng tunay na diwa ng kalayaan. Sa kanilang tapang at determinasyon, natamo natin ang ating kalayaan. Sila ang nagbigay ng daan upang tayo ay mamuhay nang malaya at marangal. Dito sa Simbahan ng Barasoain, nagbuklod-buklod ang ating mga ninuno upang itaguyod ang isang bansang malaya at may dignidad,” wika pa nito.

Binati rin ni Speaker Romualdez ang kanyang mga kasama at lokal na opisyal at ang sambayanang Pilipino ng masaya at makabuluhang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.

“Sa ating lahat, isang maligayang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan! Nawa’y patuloy tayong magsilbing inspirasyon sa isa’t isa. Sama-sama nating itaguyod ang isang bansang tunay na malaya, makatarungan, at maunlad,” dagdag pa nito.