Martin4

Kamara inaprubahan pagtatayo ng disaster food bank

120 Views

INAPRUBAHAN ng Kamara de Representantes sa botong 274 pabor ang panukala para sa pagtatayo ng food bank at pag-iimbak ng mga relief goods para sa mabilis na pamamahagi ng tulong sa mga magiging biktima ng kalamidad.

Sa ilalim ng House Bill (HB) No. 8463 ay magtatayo ng Disaster Food Bank and Stockpile sa bawat probinsya at highly urbanized city sa bansa.

Ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, lider ng 312 miyembro ng Kamara, ang panukala ay nag-ugat sa karanasan ng bansa na binibisita ng mahigit 20 bagyo taon-taon na kapansin-pansin umano na lumalakas bunsod ng climate change.

“This reality requires us to prepare for the eventuality of storms and similar calamities displacing residents of affected areas. We have to have a faster, a more efficient and a more effective system of responding to disasters and helping our people,” ani Speaker Romualdez.

Ilan sa mga may-akda ng panukala ay sina Reps. Michael Morden, Kristine Alexie

Tutor, Ivan Howard Guinto, Alan 1 Ecleo, Bryan Revilla, Dale Corvera, at Manuel Jose Dalipe.

Magiging mabilis umano ang pagbigay ng ayuda sa mga nangangailangan kung nakapuwesto ito malapit sa kanila.

“A single life we can save through the timely delivery of medicine, food and critical items in the event of a calamity is worth more than the effort and money that will go into setting up these food and supply reserves,” sabi ng lider ng Kamara.

Sa ilalim ng panukala, ang Disaster food bank and stockpile ay iimbakan ng inuming tubig, bakuna at iba pang gamot at medical products, portable power and light source, damit, tent, at communication devices.

Ang shelf life ng mga gamit na ilalagay dito ay dapat hindi bababa sa dalawang taon.

Ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mangunguna sa implementasyon ng panukala.

Ang NDRRMC ang mamimili ng lugar kung saan itatayo ang food bank at ang Department of Public Works and Highways (DPWH) naman ang magtatayo nito.

Sa panahon ng kalamidad, ang NDRRMC at DSWD ang mangunguna sa pagpapalabas ng mga inimbak na pagkain.