Gonzales Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr.

Kamara inimbitahan si Duterte upang bigyang linaw EJK issue

72 Views

INIMBITAHAN ng quad committee ng Kamara de Representantes si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte upang mabigyang linaw ang mga isyu ng extrajudicial killings (EJKs) sa panahon ng pagpapatupad ng war on drug campaign ng kanyang administrasyon.

Ang imbitasyon ay kasunod ng ginawang testimonya ni Leopoldo “Tata” Tan Jr., isa sa dalawang bilanggo na umamin sa pagpatay sa tatlong Chinese drug lords sa loob ng maximum security facility ng Davao Prison and Penal Farm (DPPF) noong 2016. Ayon kay Tan, ang pagpatay sa tatlong Chinese drug lord ay iniutos ni Duterte.

Matapos marinig ang testimonya ni Tan, iminungkahi ni Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. na imbitahan si dating Pangulong Duterte upang sagutin ang mga paratang.

“In the interest of fairness, may I move to invite former President Duterte to hear his side on this matter?,” ayon Gonzales.

Ang mungkahi ay inaprubahan ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, tagapangulo ng Committee on Dangerous Drugs at pangkalahatang tagapangulo ng quad-committee, matapos na walang tumutol dito.

Sa kanyang testimonya, sinabi ni Tan na mayroong tumawag kay Supt. Gerardo Padilla, na noon ay officer-in-charge ng DPPF, at siya ay binati ni dating Pangulong Duterte kaugnay ng pagkakapatay sa tatlong Chinese drug lords.

Ayon sa sinumpaang pahayag ni Tan, “Habang naglalakad kami papuntang Investigation Section, tumunog ang cellphone ni Superintendent Padilla. Nakita ko na pinindot ni Superintendent Padilla ang kanyang cellphone. Nadinig ko na sinabi nung tumawag kay Superintendent Padilla, ‘Congrats Superintendent Padilla, job well done. Pero grabe yung ginawa, ginawang dinuguan.’”

“Alam ko na ang kausap ni Superintendent Padilla ay si Presidente Duterte dahil pamilyar ko ang boses niya.”

“Pagkatapos ng tawag, sabi ni Superintendent Padilla sa mga kasamahan niya doon, ‘Tumawag si Presidente, nag-congrats sa akin.’ Dahil sa sinabing ito ni Superintendent Padilla, kaya lalo akong napaniwala na ang tumawag sa kanya ay si Presidente Duterte.”