Kamara nakiramay sa pagpanaw ni Rep Barzaga

Mar Rodriguez Apr 30, 2024
80 Views

PINAGTIBAY ng Kamara de Representantes ang House Resolution (HR) No. 1691 na nagpapahayag ng pakikiramay nito sa pamilya ni Rep. Elpidio “Pidi” Barzaga Jr. ng lone district ng Dasmariñas City, lalawigan ng Cavite.

Si Barzaga ay pumanaw noong Abril 27 sa California, United States sa edad na 74. Naulila nito ang kanyang misis na si Dasmariñas City Mayor Jennifer Austria-Barzaga, at mga anak na sina Francisco, Elpidio III, at Lorenzo.

Matapos pagtibayin ang resolusyon ay nag-adjourn ng sesyon ang Kamara bilang pagbibigay galang sa pumanaw na kongresista.

“Honorable Barzaga’s relentless pursuit of justice and his compassion for those in need earned him the respect and admiration of both his colleagues in the House of Representatives and his constituents in Dasmariñas City, and he will always be remembered for inspiring those in the government service with his integrity, kindness and dedication to serve the people,” sabi sa resolusyon na pinagtibay kasama ang HR No. 1692.

Ang resolusyon ay pangunahing akda nina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” D. Gonzales, Jr., Deputy Speaker David “Jay-Jay” C. Suarez, Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, Minority Leader Marcelino C. Libanan, Senior Deputy Minority Leader Ferdinand Alexander A. Marcos, at Tingog Party-list Reps. Yedda Marie K. Romualdez, at Jude A. Acidre.

Si Barzaga ay ipinanganak noong Marso 25, 1950 sa Dasmariñas, Cavite. Siya ay isang certified public accountant at abogado.

Siya ay nagtapos na valedictorian sa Dasmariñas Elementary School noong 1962, at gayundin sa Immaculate Concepcion Academy noong 1966.

Si Barzaga ay nagtapos na cum laude sa Bachelor of Science in Commerce, Major in Accounting degree sa San Beda College noong 1970. Kumuha si Barzaga ng Bachelor of Laws sa Far Eastern University (FEU) noong 1975 at nagtapos na magna cum laude.

Bago pumasok sa politika, si Barzaga ay practicing CPA-lawyer mula 1976 hanggang 1996. Siya ay nagturo rin ng law sa FEU mula 1976 hanggang 1992 at isang pre-Bar reviewer sa Civil Law mula 1983 hanggang 1992.

Naging alkalde si Barzaga ng noon ay munisipyo ng Dasmariñas mula 1998 hanggang 2007.

Nanalo siyang kinatawan ng ikalawang distrito ng Cavite noong 14th Congress (2007- 2010) at ng lone district ng City of Dasmariñas, Cavite noong 15th (2010- 2013) at 16th (2013- 2016) Congresses.

Siya ay muling nanungkulan bilang alkalde ng Dasmariñas City mula 2016 hanggang 2019 bago muling naging kinatawan sa Kamara noong 18th Congress (2019- 2022) hanggang ngayong 19th Congress.

Si Barzaga ang may-akda ng maraming panukala na naging batas kasama rito ang Republic Act (RA) No. 11984, o ang “No Permit, No Exam Prohibition Act,” at RA 9723 na may titulong “An Act Converting the Municipality of Dasmariñas in the Province of Cavite into a Component City to be Known as the City of Dasmariñas.”

Sa Kamara, si Barzaga ay nagsilbing Chairperson ng Committee on Natural Resources at Vice-Chairperson ng Committees on Cooperatives Development, Games and Amusements, Legislative Franchises, at Suffrage and Electoral Reforms.

Si Barzaga ay kinikilala at inirerepesto ng kanyang mga kasamahan dahil sa kanyang kahandaan na tumulong sa iba sa sesyon ng plenaryo at mga pagdinig ng komite.