Calendar

Kamara pinagtibay Quad Comm report nag-uugnay kina dating Pangulong Digong, Bato, Bong Go sa pagpatay, droga, POGO
PINAGTIBAY ng Kamara de Representantes ang final report ng quad committee na nag-uugnay kay dating Pangulong Rodrigo R. Duterte at sa kanyang malalapit na kaalyadong sina Senators Ronald “Bato” Dela Rosa at Christopher Lawrence “Bong” Go sa umano’y kampanya ng mga pamamaslang na suportado ng estado, pagtatakip sa mga sindikato ng droga, at pagpapalaganap ng malawakang katiwalian sa pamamagitan ng Philippine offshore gaming operation (POGO).
Sa 66-pahinang ulat matapos ang 15 pampublikong pagdinig mula Agosto 2024 hanggang Hunyo 2025, inilahad ng mga komite sa dangerous drugs, public order and safety, human rights, at public accounts na hindi maikakaila ang pagkakaugnay ng giyera kontra droga ni Duterte sa libu-libong extrajudicial killings (EJKs) na pinahintulutan, kinunsinti at ginantimpalaan ng kanyang administrasyon.
“The extrajudicial killings are a product of the war on drugs,” ayon sa ulat. “The said killings were perpetrated, tolerated and even encouraged and rewarded during the drug war.”
Ang ulat ng komite ay nilagdaan nina quad comm lead chair Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers at mga co-chair na sina Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez, Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante Jr. at Abang Lingkod Rep. Joseph Stephen Paduano.
Lumabas sa mga sinumpaang salaysay, ginagantimpalaan ng promosyon at matataas na posisyon ang mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) na nakapatay ng mga hinihinalang sangkot sa droga.
“Police officers who have a track record of ‘delivering’ the ‘big fish’ suspected personalities would be transferred and assigned to lead units,” ayon pa sa ulat.
Natuklasan din ng quad comm na mismong si Duterte ang umamin sa pag-utos ng mga pamamaslang.
“Former President Duterte admitted that he ordered the PNP to kill drug personalities if they fight or, if they won’t fight, force them to fight to justify the killing,” pahayag ng quad comm.
Kinumpirma rin umano ni Duterte ang paglikha ng isang task force batay sa kanyang “Davao template,” at idineklarang siya ang mananagot at may pananagutan sa mga pagpatay na isinagawa ng mga pulis, dagdag pa ng mega-panel.
Ikinabit sa ulat ng komite si Dela Rosa sa pagpapatupad ng mga kautusang ito bilang dating hepe ng PNP. Si Go naman ay tinukoy bilang tagapagpadaloy ng mga cash incentive sa mga operatiba ng pulisya.
“[Go] played a crucial role in the disbursement of funds relating to the rewards system,” ayon sa ulat at idinagdag na, “The funding of the cash rewards came from, among others, POGO entities.”
Sa sinumpaang salaysay, kinumpirma ni dating police colonel Jovie Espenido na si Go ang nagbibigay ng cash reward kapalit ng mga pamamaslang sa giyera kontra droga—isang pahayag na pinagtibay naman ng dating police colonel at dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma at iba pang resource persons.
Iminungkahi ng panel ang paglulunsad ng imbestigasyon kaugnay ng posibleng pinansyal na pagkakasangkot ni Go sa nasabing kampanya.
Inilantad din sa ulat ang ilang partikular na kaso ng pamamaslang na direktang inutos o hinikayat ng mga opisyal ng gobyerno.
Noong 2016, tumestigo sina Leopoldo Tan Jr. at Fernando Magdadaro, mga preso ng Davao Penal Colony, na binayaran sila ng tig-P1 milyon upang patayin ang tatlong Chinese nationals.
“When the evil deed was done, former President Duterte called up Padilla and congratulated him,” ayon sa komite, base sa kumpirmasyon ni dating prison warden Gerardo Padilla.
Umamin din sina Police Colonels Marvin Marcos at Espenido na sumunod sila sa “orders from higher ups” sa pagpatay kina Mayor Rolando Espinosa at Mayor Reynaldo Parojinog at kanyang pamilya.
Ayon sa komite, bahagi ito ng koordinadong kampanya upang patayin ang mga nasa narco list ni Duterte—kahit pa walang matibay na ebidensiya.
Hindi lamang mga kaso ng pamamaslang ang ibinunyag ng ulat, kundi pati ang pagkakasangkot ng mga malalapit kay Duterte sa operasyon ng kalakalan ng ilegal na droga.
Tumestigo rin ang mga preso na sina Jimmy Guban at Mark Taguba na nagsabing ang anak ng dating pangulo na si Rep. Paolo Duterte, manugang nitong si Atty. Manases Carpio, at dating economic adviser nitong si Michael Yang ang nasa likod ng drug shipments na nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso.
“Mr. Guban asserted that now Rep. Paolo Duterte, Atty. Manases Carpio and Michael Yang… own a drug shipment worth P6.4 billion in 2016,” ayon sa ulat.
Dagdag pa ni Taguba, si Paolo Duterte ang “handler of the drug shipments,” at alinman sa kanya o kay Carpio ang nagbibigay ng “go signal for the release of the ‘special’ containers.”
Ayon kay dating PNP official Eduardo Acierto, matagal nang may ugnayan si Yang sa mga sindikato ng droga mula pa noong 2004. Idiniin naman ni Arturo Lascañas, dating kaalyado ni Duterte, sa kanyang salaysay na si Duterte ay “the ‘Lord of All Drug Lords’.”
Nadiskubre rin ng komite na ginawang kanlungan ng mga kriminal ang mga POGO sa ilalim ng administrasyong Duterte.
“The POGOs have also become havens and refuges for criminals wanted in their country,” ayon sa ulat. Kabilang dito ang mga puganteng Chinese na nagpapatakbo ng mga gaming hub gamit ang pekeng pagkakakilanlang Filipino.
Tinukoy din sa ulat si dating Bamban Mayor Alice Guo bilang isang Chinese national na si Guo Hua Ping, na diumano’y gumamit ng pekeng dokumento upang makabili ng lupa at makapagtatag ng POGO operations. Inilarawan din si Guo bilang posibleng espiya ng China.
Naugnay din sina dating presidential spokesperson Harry Roque at ang kanyang asawang si Mylah sa mga POGO sa pamamagitan ng corporate holdings at mga transaksyon sa ari-arian na kinasasangkutan ng mga puganteng Chinese.
“A criminal investigation should also be commenced to inquire into the extent of his (Roque) involvement in the operation of Lucky South 99 and Whirlwind Corporation,” anang ulat.
Iminungkahi ng komite ang pagsasampa ng mga kasong kriminal kaugnay ng murder at crimes against humanity laban kina Duterte, Dela Rosa, Go at mga matataas na opisyal ng PNP.
“File criminal charges under Section 6 (Other Crimes Against Humanity) of Republic Act No. 9851, against the following individuals: Former President Rodrigo Roa Duterte; Senator Ronald ‘Bato’ Dela Rosa; Senator Christopher Lawrence ‘Bong’ Go; Former PNP Chief Oscar David Albayalde; Former PNP Chief Debold Sinas; PCOL Royina Garma; and PCOL Edilberto Leonardo,” ayon sa ulat.
Inirekomenda rin ng ulat ang imbestigasyon sa umano’y joint bank accounts nina dating Pangulong Duterte at Vice President Sara Duterte, kasunod ng alegasyon ni dating Senador Antonio Trillanes IV na tumanggap ang mga ito ng salapi mula sa drug-linked financier na si Sammy Uy.
Nanawagan din ang komite ng malawakang reporma, kabilang ang pag-amyenda sa Bank Secrecy Act, Anti-Dummy Law at Anti-Money Laundering Act; paglikha ng isang tunay na independent Internal Affairs Service para sa PNP; mga bagong batas ukol sa custodial deaths at autopsies; at pagbibigay ng bayad-pinsala sa mga pamilya ng biktima ng giyera kontra droga.
“This is not just about policy failures. This is about killings ordered and protected by the highest officials of the land. The time for accountability has come,” pahayag ng komite.