Yorme1

Kamote riders nakatikim ng pangaral kay Yorme Isko

Edd Reyes Jul 3, 2025
225 Views

KINASTIGO at pinakiusapan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang inabutan niyang mga riders at drivers na hindi iginagalang ang mga pedestrian lanes.

Personal na kinompronta ng alkalde ang mga motorista matapos niyang masaksihan ang nangyaring aksidente sa kanto ng Legarda at San Rafael Streets na kinasasangkutan ng mga motoristang hindi iginalang ang pedestrian lane.

“Isipin mo — paano kung anak mo o asawa mo ang tumatawid sa pedestrian lane ngayon at may kamote driver na katulad mo? Paano kung madisgrasya ang pamilya mo?,” pagpapaliwanag ng alkalde sa mga riders.

“Kung ikaw mismo ay lumalabag sa batas-trapiko, baka ikaw pa ang maging dahilan ng disgrasya,” dagdag pa niya.

Kaagad namang nakapagresponde sa nangyaring aksidente ang Manila City Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) upang tugunan ang nasaktang motorista.

“Napansin ko, mula sa nasunugan sa Sampaloc patungo ng City Hall, maraming motorista ang hindi sumusunod sa pedestrian lane. Hindi lang ito usapin ng traffic, kundi ng respeto at kaligtasan.”paliwanag ng alkalde.

“Lessons learned? Igalang ang pedestrian lane. Magsimula tayo sa disiplina. Magsimula tayo sa ating sarili. Gawing ugali ang paggalang sa batas. Para ito sa kaligtasan ng pamilya mo — at ng iba pa.” dagdag pa niya.

Kasabay nito, inatasan niya ang Manila Police District (MPD) at Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na mahigpit na ipatupad ang panuntunan na dapat igalang ng motorista ang mga pedestrial lane sa buong lungsod, lalu na sa mga lugar na malimit magkaroon ng aksidente sa lansangan.