Calendar
Kapaskuhan panahon rin ng Akyat Bahay, krimen
ASAHAN na ang paglobo ng bilang ng mangyayaring nakawan, panghoholdap, panananalisi, panloloko, panghahablot, at iba pang uri ng panlalamang sa kapuwa ng masasamang elemento ng lipunan ngayong nalalapit ang panahon ng Kapaskuhan.
Batid naman ito ng kapulisan at sa katunayan, mismong si National Capital Region Police Office (NCRPO) Officer-in-Charge P/BGen. Christopher Abrahano ang maagang naglabas ng direktiba sa limang police district at mga police unit sa Metro Manila para lalu pang paigtingin ang koordinasyon sa mga security management ng mga subdivision, condominium, commercial establishment, mall, at iba pang establisimyento upang maiwasan ang pag-atake ng akyat-bahay at iba pang krimeng may kaugnayan sa pagnanakaw.
Hindi kasi ligtas kahit pa ang mga naninirahan sa mga ultra-high-end at eksklusibong subdivision na tirahan ng mga mayayaman tulad ng Forbes Park at Dasmariñas Village sa Makati at Ayala Alabang sa Muntinlupa.
Sa katunayan, noong Setyembre 24, nagawang pasukin ng 25-anyos na residente ng Taguig City at miyembro ng “Labita Criminal Group” ang marangyang bahay sa Forbes Park na tinitirhan ng 76-anyos na lola at makapagtangay ng kabuuang P90,000 halaga ng cash at alahas.
Pero dahil nahagip ang suspek ng kuha ng CCTV, naaresto siya kalaunan ng pulisya matapos makilala dahil sa natatanging tattoo malapit sa kanang mata.
Sabi ni BGen. Abrahano, nagpapatunay lamang ito na epektibo ang maagap na pagtugon at imbestigasyon ng pulisya para sa mabilis na pagdakip sa mga kriminal at magsisilbi rin aniya itong paalala na kailangang palakasin ang seguridad hindi lamang matapos mangyari ang isang krimen, kundi higit sa lahat, bago pa magkaroon ng pagkakataon para maisagawa ito.
Palapit na aniya kasi ang Kapaskuhan kaya maraming pamilya na may kakayahang gumugol ang tiyak na aalis ng tirahan upang magbakasyon at ito ang inaabatan ng mga kawatan para pagnakawan ang kanilang tahanan.
Mahalaga rin aniya ang koordinasyon ng mga pribadong security personnel, mga village at building administrator, para pagtulungang masawata at mapigilan ang posibleng mangyayaring nakawan na tiyak na ngayon pa lang ay pina-plano na ng ibat-ibang uri ng criminal group.
Doctor’s fee ng mga espesyalista, dapat bantayan ng BIR
KUNG may dapat habuling mga indibiduwal ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na hindi nagbabayad ng tamang buwis, ibilang na sana nila ang mga siruhano o mga surgeons na may kanya-kanyang kaalaman bilang espesyalista sa pag-opera sa kung anong bahagi ng katawan ng tao ang may sakit na dapat gamutin.
Ilan lang sa mga raket ng ilang siruhano para makaiwas sa pagbabayad ng tamang buwis ay ang pagbukod ng kanilang surgeons fee o doctor’s fee sa bayad sa ospital kung saan isinagawa ang operasyon.
Kapag kasi isinama nila ang kanilang doctor’s fee sa bayad sa ospital, tiyak na kakaltasan ng buwis ang kanilang kita dahil karamihan ngayon sa mga pagamutan ay sagot ng PhilHealth ang bayarin sa ospital o kaya ay guarantee letter mula sa ilang ahensiya ng pamahalaan.
Kaya kadalasan, kahit makahingi ng tulong ang pasyente para sa malaking bayarin sa kanilang pagpapa-opera, gagastos pa rin sila ng malaki sa surgeons fee na ibinubukod sa bayad sa ospital.
Pero hindi naman lahat ng siruhano ay ganito ang kostumbre dahil marami sa kanila ang may ginintuang puso na ang layunin talaga ay magligtas ng buhay at hindi magpakapal ng bulsa.
Kickback, overprice bantay sarado
AMINADO ang Department of Interior and Local Government (DILG) na sa laki ng pera sa gobyerno ay marami ang nag-iinteres dito sa pamamagitan ng mga kickback at overprice na pagbili ng kagamitan.
Maging sa mga malalaking ahensya na may partikular na mandato sa seguridad, pagpapatupad ng batas, at kaligtasan, tulad ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP) at Bureau of Jail Management and Penology (PJMP), ipinasusuri sa mga ito ang bid price ng 73 motorsiklo na binili ng kagawaran para magamit ng kapulisan.
Wala kahit piso na makikita rito na napunta sa bulsa ng sinuman sa mga pumirma sa kontrata, hindi tulad noon na mataas ang bid price dahil sa dami ng mga gustong mamantikaan ang bibig sa kontrata.
Maging ang pinasok ng ahensiya na bagong kasunduan sa Republic of Korea para sa government to government transaction sa pagbili ng mga fire trucks ng BFP ay wala isa man ang kikita sa kickback dahil pinagtulungan nila nina Usec. Jed Mabilog at BFP Officer-in-Charge F/Chief Supt. Wilberto Rico Neil Kwan Tiu na maibaba ang presyo ng kada fire truck sa P10 milyon mula a P16 na milyon.
Isang libo at limang daang mga firetrucks ang bibilhin sa loob ng tatlong taon kaya’t makakatipid ang gobyerno rito ng P9 na bilyong piso.
Sinabihan din ang lahat ng mga bids and awards committee na walang tatanggap sa DILG kaya’t ang nag-bid ng mas mababa sa P100 milyon para sa binili nilang 800 pang mga sasakyan ang nanalo sa bidding.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0915-649-2023 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com
