Marbil PNP Chief General Rommel Francisco D. Marbil

Kasong kriminal nakahanda vs nagtangkang magtago kay Quiboloy

Alfred Dalizon Sep 15, 2024
103 Views

ANG mga personalidad na nagtangkang magtago kay Pastor Apollo C. Quiboloy at sa apat niyang kasamang inaakusahan sa kasong human trafficking ay mahaharap sa kasong kriminal dahil sa obstruction of justice sa ilalim ng Presidential Decree 1829, ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief General Rommel Francisco D. Marbil nitong Linggo.

Ayon sa hepe ng PNP, isinasagawa na ang isang masusing imbestigasyon upang papanagutin ang mga tumulong sa founder ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na makatakas mula sa mga otoridad habang nagtatago sa loob ng compound ng KOJC sa Davao City.

“We will not tolerate any form of obstruction to justice. Our investigation aims to identify those who knowingly provided refuge to Quiboloy, and we will ensure they face appropriate legal consequences,”v ani Gen. Marbil.

Si Quiboloy, na nahaharap sa iba’t ibang kaso kabilang ang sexual abuse sa bata at qualified human trafficking, ay na-corner sa loob ng KOJC compound dalawang Linggo na ang nakalipas matapos ang isang maingat na planadong pagsalakay ng mga pulis.

Napilitang magpakita si Quiboloy matapos siyang bigyan ni Police Regional Office 11 Director, Brigadier General Nicanor D. Torre III, sa pamamagitan ng kanyang mga abogado, ng 24 oras na ultimatum o salakayin ang kanyang pinagtataguan sa loob ng KOJC Bible School.

Binibigyang-diin ni Gen. Marbil na hindi sana nakaiwas si Quiboloy sa mga naghahanap sa kanya kung hindi dahil sa tulong ng mga malalapit na kasamahan, kabilang ang mga legal na kinatawan, na sadyang niligaw ang mga otoridad tungkol sa kanyang eksaktong kinaroroonan.

“Obstruction of justice is a serious offense, and those who aided in shielding Quiboloy from law enforcement will be charged accordingly. The law is clear—no one is above it, and those who helped Quiboloy will be held accountable,” dagdag ni Marbil.

Inatasan ni Gen. Marbil si PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director, Major General Leo M. Francisco, na pamunuan ang case build-up laban sa mga nagkubli kina Quiboloy at iba pa.

Ang CIDG ang mangunguna sa pagkolekta ng ebidensya at pagtitiyak na ang mga kasabwat sa pagtatago sa pugante ay maisasakdal, ayon sa PNP chief.

Nagbabala rin si Department of Interior and Local Government Secretary Benjamin C. Abalos Jr. na ang mga indibidwal na magtatago kay Quiboloy ay masusing iimbestigahan at kakasuhan.

Iginiit din ni Gen. Marbil na mananatili silang matatag sa pagtitiyak na magtatagumpay ang hustisya, hindi magpapaapekto sa anumang pagtatangkang hadlangan ang kanilang mga operasyon.

“Our commitment is clear—we will not stop until justice is served,” ani Marbil.

Ang PD 1829 ay nagpaparusa sa paghadlang sa pag-aresto at paglilitis ng mga kriminal. Ipinatupad ito noong Enero 16, 1981 ng yumaong pangulong Ferdinand E. Marcos Sr., ama ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ang nasabing batas ay ginawa upang pigilan ang kawalang malasakit ng publiko sa pag-aresto at paglilitis ng mga kriminal dahil pinarurusahan nito ang mga aksyon na pumipigil o naghahadlang sa matagumpay na pag-aresto at paglilitis ng mga kriminal.