Garma Dating PCSO general manager Royina Garma

Kasong murder isasampa vs Garma, Leonardo

Alfred Dalizon Oct 15, 2024
37 Views
Leonardo
Dating Napolcom commissioner Edilberto Leonardo

HINDI bababa sa anim na katao, kabilang si dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma at nagbitiw na commissioner ng National Police Commission (Napolcom) na si Edilberto Leonardo, ang sasampahan ng kasong murder kaugnay ng pagpaslang noong Hulyo 30, 2022, kay dating PCSO Board secretary retired Police Gen. Wesley Barayuga.

Ito ang isiniwalat ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Brigadier Gen. Jean S. Fajardo, na idinagdag pa na ang dalawa ay kakasuhan din ng frustrated murder dahil sa near-fatal wounds na natamo ng driver ni Barayuga sa insidente ng pamamaril malapit sa PCSO office sa Mandaluyong City.

Bukod kina Garma at Leonardo, sasampahan din ng kaso ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa pangunguna ni Brig. Gen. Nicolas D. Torre III sina Lieutenant Col. Santie Mendoza, tinanggal na Police Corporal Nelson Mariano at nagbitiw na PNP-CIDG operative na si Sergeant Jeremy Causapin alias “Toks.”

Ayon kay Fajardo, nasa kustodiya na ng gobyerno sina Santiago at Mariano. Nauna nang inilahad ng dalawa sa quad committee ng Kamara de Representantes na sila’y sangkot sa “kill Barayuga plot” diumano sa utos nina Garma at Leonardo.

“The PNP-CIDG is just waiting for the widow of the late Brig. Gen. Barayuga before finalizing the murder and frustrated murder cases against the accused. Definitely, Santiago and Mariano will be charged plus Garma, Leonardo and alias ‘Toks’ who was identified as the one who gave the P300,000 payment for the killers. Definitely, they will be included in the charge sheet,” pahayag ng PNP spokesperson.

Sinabi rin ni Fajardo na tiwala ang PNP-CIDG na bukod sa testimonya nina Mendoza at Mariano, makakakalap pa sila ng karagdagang mga saksi at ebidensya na magpapatibay sa mga kaso laban sa mga sangkot sa pagpatay kay Barayuga, isang abogado at miyembro ng Philippine Military Academy Class 1983.

Inatasan ni PNP Chief, General Rommel Francisco D. Marbil ang muling pag-imbestiga sa kaso ni Barayuga matapos ang mga makabuluhang testimonya na nakuha ng quad comm.

Inakusahan ni Mendoza sina Garma at Leonardo bilang utak umano sa pagpatay kay Barayuga.

Iniutos din ni Marbil na alamin kung sino ang naglagay ng pangalan ng nasawing opisyal sa tinatawag na “Duterte Drug List” ilang buwan matapos siyang mapatay.

Sinabi ng top cop na nais niyang masusing suriin ang mga proseso sa loob ng PNP na nagresulta sa pagkakasama ng pangalan ni Barayuga sa “drug watchlist” pagkatapos ng kanyang pagkasawi.

Kasunod ng ambush kay Barayuga at ang pagkakasama ng pangalan niya sa drug watchlist, binigyang diin ni Marbil ang pangangailangan na suriin at ayusin ang proseso ng PNP sa pag-identify ng mga taong isinasama sa mga listahang may kaugnayan sa krimen, hindi lamang sa droga.

“We must dig deeper into why General Barayuga’s name appeared on a drug list after his death. This highlights a critical need to scrutinize and overhaul our processes,” ayon sa kanya.

Tiniyak ni Marbil sa bansa at sa pamilya ni Barayuga na kanilang tutugisin ang mga nasa likod ng pagpatay at sa mga nagtangkang magtakip ng imbestigasyon nito. Isang malinaw, transparent at patas na imbestigasyon ang nais niya, ayon kay Fajardo.

Dagdag pa ni Fajardo, patuloy na hinahanap ng PNP-CIDG si Causapin, ang PNP-CIDG member na inakusahan ng pagbibigay ng P300,000 sa mga lalaking sangkot sa pagpatay, kahit nagbitiw na ito sa serbisyo at ipinasa na sa pamamagitan ng kanyang asawa ang kanyang service firearm.