Yosi

Kelot hiningan ng 6 ng lalaki ng yosi, walang maibigay, tsinugi

283 Views

TODAS ang lalaking pinagtulungang saksakin ng anim katao dahil wala umanong maibigay na sigarilyo at sugatan din ang tiyuhin nito na sumaklolo sa kanya noong Lunes sa Quezon City.

Dead-on-arrival sa Quirino Memorial Medical Center ang 34-anyos na biktima habang inoobserbahan pa ang tiyuhin niya.

Naaresto ang isa sa mga suspek habang tinutugis pa ang limang iba pa, kabilang ang tatlong magkakapatid.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-12:20 ng hatinggabi nangyari ang pananaksak sa Seattle St., Brgy. Kaunlaran, Cubao.

Batay sa imbestigasyon ni P/SSg Erwin Jay Mendez, nakaupo umano ang biktima kasama ang ilang kaibigan nang lapitan ng grupo ng mga suspek.

Nagtanong sa biktima ang isa sa mga suspek kung meron siyang sigarilyo na sinagot naman ng una na wala ng bukas na tindahan na nagbebenta ng sigarilyo.

Nagalit ang mga suspek at pinagtulungang suntukin ang biktima at nang bumagsak sa lupa inararo naman siya ng saksak sa katawan.

Nakita naman ng tiyuhin ng biktima ang pangyayari kaya agad niya itong sinaklolohan subalit sinaksak din siya sa likod ng mga suspek..

Naglakad lang para tumakas ang mga suspek dala ang ginamit sa pamamaslang.

Isinugod ang mga biktima sa ospital pati na ang naarestong suspek matapos maharang ng mga istambay at pinagtulungang bugbugin.