Calendar
Clearing ops sa riles natuloy din after 2 yrs
SINAKSIHAN nina Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon at Mayor Isko Moreno Domagoso ang clearing operation sa Old Antipolo Road upang bigyang-daan ang konstruksiyon ng North-South Commuter Railway noong Martes.
Magkatuwang na isinagawa ng pamahalaang lungsod at DOTr ang paggiba sa mga ilegal na istruktura at mga bakal na harang sa bahagi ng kalsada sa kanto ng Jose Abad Santos Avenue pati na ang pagpapaalis sa mga nakaparadang sasakyan at installed vehicles.
Nasaksihan mismo nina Sec. Dizon at Mayor Isko Moreno ang clearing operation sa lugar upang maayos na mailatag ang mga plano para sa pagpapatuloy ng naturang proyekto mula Solis hanggang Blumentritt na dalawang taon nang naantala.
Nagpasalamat kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. si Mayor Isko Moreno dahil matutuloy na rin ang proyekto.
Ayon kay Sec. Dizon, sa orihinal na plano ay tatapyasin ang halos kalahati ng mga kabahayan, paaralan at simbahan sa lugar dahil sa malapad na right of acquisition pero dahil sa hiling ni Yorme Isko na baka mayroon pang ibang paraan, pinag-aralan muli ito.
Sinabi ni Yorme Isko na buo ang suporta ng pamahalaang lungsod ng Maynila sa proyekto ng DOTr dahil maraming mamamayan ng Maynila ang makikinabang dito.

