Calendar
Sunog sa Caloocan 4 sugatan
APAT ang sugatan sa sunog na tumupok sa isang bodega at mga bahay nitong Martes sa Caloocan City.
Kasama sa mga nasugatan ang 15-anyos na binatilyo at tatlo pang may edad na 34, 47 at 55.
Nagtamo ng sugat sa paa nang makatapak ng matulis na bagay at bahagyang paso sa bahagi ng katawan ang nangyari sa mga biktima.
Isa pang 65-anyos na matandang lalaki ang tinulungan ng ambulansya ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ng Caloocan matapos mahirapang huminga sanhi ng makapal na usok.
Nagsimulang sumiklab ang apoy dakong alas-4:36 ng umaga sa isang bahay sa Guido 3, Brgy. Maypajo sa hindi pa malamang dahilan. Nadamay sa sunog ang katabing bodega ng mga medyas.
Itinaas sa ikalawang alarma ang sunog bago nakontrol dakong alas-6:34 ng umaga hanggang tuluyang ideklarang fire out alas-8:30 ng umaga.
Nanghihinayang ang may-ari ng bodega dahil natupok ang lahat ng mga stock na medyas na hindi pa sakop ng insurance.

