Calendar
Kelot inakusahang hinalay 11-anyos na anak ng kinakasama
TIMBOG ang 28-anyos na kelot na inakusahan ng seksuwal na pang-aabuso sa 11-anyos na anak ng kanyang kinakasama sa Malabon City.
Kaagad na nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ni P/Maj. Joseph Alcazar, Commander ng Malabon Police Sub-Station 4, nang maghain ng reklamo noong Miyerkules ang ina ng bata hinggil sa umano’y kahalayang ginawa ng kanyang kinakasama sa bata.
Sa ulat na nakarating kay Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission, wala umano sa kanilang bahay sa Barangay Catmon ang ina ng biktima nang gapangin at umano’y halayin ng amain noong Martes ng madaling araw.
Sa kabila ng pagbabanta ng suspek sa biktima na huwag magsusumbong, nagawang ipabatid ng bata sa ina ang ginawa ng amain na dahilan para agad siyang humingi ng tulong sa pulisya na nagresulta sa pagkakadakip na suspek.
Mahaharap sa kasong Rape na may kaugnayan sa R.A. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act ang suspek sa Malabon City Prosecutor’s Office.

