Bully

Kelot nadakma sa panunutok ng boga

Edd Reyes Nov 6, 2025
145 Views

TIKLO sa mga pulis ang 24-anyos na feeling siga dahil sa pambu-bully at panunutok ng baril noong Miyerkules sa Valenzuela City.

Alas-11:00 ng gabi nang arestuhin si alyas Max makaraang ireklamo ng isang obrero na tinutukan niya umano ng baril matapos magtanong ng direksyon habang naglalakad sa Sulok St., Brgy. Ugong, Valenzuela City.

Sinabi ng biktima sa pulisya na magalang ang pagtatanong niya sa suspek subalit nagulat siya ng sigawan siya nito at pagsabihan ng masasakit na salita na dahilan ng kanilang pagtatalo.

Doon na bumunot ng baril ang suspek at tinutukan ang biktima sabay sabi ng: “wag mo kong titigan ng masama, gusto mo barilin kita?”

Nagtatakbo ang biktima hanggang makahingi ng tulong sa nagpa-patrulyang tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station-8.

Mahaharap sa kasong grave threat at illegal possession of firearms ang suspek matapos makumpiska sa kanya ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang bala.