Kidnap File photo ni JONJON C. REYES

Kidnap victim nagkunyaring dedo, nakatakas

Gil Aman Sep 21, 2024
8 Views

CAMP VICENTE Lim, Canlubang, Laguna–Milagrong nakaligtas ang 67-anyos na ginang dahil nagkunwaring patay nang igapos ang kamay, paa at may pinaamoy para mawalan ng malay ng mga dumukot sa kanya sa Makati bago siya dalhin sa Gen. Mariano Alvarez, Cavite noong Martes.

Ayon sa report, kalalabas lang ng condo niya ang biktimang si Nena Aquino sa 1802 Joya Lofts and Tower, Rockwell, Makati CIty nang dukitin ng hindi kilalang abductors dakong alas 8 :00 ng gabi saka dinala sa Gen. Mariano Alvarez, Cavite.

Tinakpan ng mga abductors ang ilong ng biktima pagkatapos may ipaamoy sa kanya upang mawalan ng ulirat, ayon sa report.

Sa ulat ng GMA Police na ipinadala kay P/BGen. Paul Kenneth Lucas, director ng Police Regional Office 4A, dinala muna ang biktima sa isang hindi mabatid na kuwarto ng dalawang suspek saka ibinayahe sa Congressional Road, Brgy. F. De Castro, GMA, Cavite.

Dahil sa pag-aakalang patay na, iniwan ng mga suspek ang biktima dakong 4:35 ng umaga noong September 20 at dakong alas 6:00 ng umaga dinala ito sa public safety officer ng Brgy. F De Castro, GMA.

Ayon sa biktima, isinakay siya ng dalawang suspek at saka itinapon malapit sa F. De Castro Elementary School, Brgy. De Castro. Tinaliaan ng lubid ang kanyang mga paa at kamay at nilagyan ng duct tape ang kanyang bibig.

Samantala, ayon sa pulisya , isang cellphone na hinihinalang pagmamayari ng suspek ang kanilang napulot sa lugar ng pinagtapunan sa biktima na posibleng magamit para makilala ang dalawang suspek.

Dinala na ang kaso sa Makati police na siyang magsasagawa ng imbestigasyon para mahuli ang mga salarin sa kaso.