Calendar

Kill threat ni PRRD sa mga senador pinasisilip sa NBI
HINILING ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang naging pahayag kamakailan ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte tungkol sa pagpatay ng 15 senador para makaupo ang kanilang mga kandidato.
Ayon kay Adiong, kung naglunsad ng imbestigasyon ang NBI sa umano’y pagbabanta ni Vice President Sara Duterte laban kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, nararapat lamang na suriin din ang mga pahayag ng dating pangulo.
“In a democracy, words have power—especially when they come from someone who has held the highest office in the land. If certain statements warrant legal scrutiny, it is imperative that all similar declarations be assessed fairly and consistently,” ayon kay Adiong.
Sa isang pagtitipon sa San Juan City, nagsalita si Duterte tungkol sa nalalapit na halalan at sa kasalukuyang komposisyon ng Senado. Sa kanyang talumpati, nagmungkahi siya ng isang radikal na paraan upang matiyak na mananalo ang kanyang mga kaalyadong kandidato.
“Anong dapat nating gawin? Eh di patayin na natin ang mga senador para magkaroon ng bakante. Kung makapatay tayo ng 15 senador, makukuha natin silang lahat,” ayon sa pahayag ni Duterte, tinutukoy ang posibilidad ng pagpapalit sa mga nakaupong senador ng mga kandidato mula sa kanyang partido.
Dagdag pa niya, “Kung tutuusin, baka ang tanging paraan lang talaga ay pasabugin.”
Ang kaniyang pahayag ay sinalubong ng malakas na hiyawan mula sa kaniyang mga taga-suporta, na sabay-sabay ding sumigaw ng, “Kill! Kill! Kill!”
Binigyang-diin ni Adiong na hindi dapat balewalain ang mga ganitong pahayag, lalo na’t may mga pagkakataong isinagawa ng mga tagasuporta ni Duterte ang kanyang mga sinabi.
“Kung ang pagsabi ng bomb joke ay bawal sa batas at may kaakibat na kaparusahan, lalo na dapat ‘yung banta na magpapatay ka ng 15 senador,” wika nito.
Binanggit niya na kahit maaaring igiit ni Duterte na biro lamang ang kanyang mga sinabi, “pero hindi niya puwedeng itago sa joke ang pagbabanta sa mga senador.”
“We have seen before how rhetoric like this can embolden individuals to take matters into their own hands, often with tragic consequences. When public figures normalize threats of violence, they create a dangerous environment where words can translate into real harm,” ayon pa sa mambabatas mula sa Mindanao.
Dahil dito, hinimok niya ang NBI na suriin kung ang mga ganitong pahayag, lalo na ang mga tumutukoy sa karahasan, ay sakop ng umiiral na mga batas.
“In moments like these, our institutions must stand firm in upholding the rule of law. We must ensure that no individual, regardless of position or influence, can erode the principles of democracy and accountability,” giit pa ni Adiong.