Calendar

Klase nagbukas sa NE; 246 na parak idineploy
CABANATUAN CITY–Umabot sa 246 na pulis ang nai-deploy sa buong Nueva Ecija at 104 na pampubliko at pribadong paaralan sa pagsisimula ng klase sa public schools noong Lunes.
Ayon kay Nueva Ecija police chief Col. Ferdinand D. Germino, aabot sa 32 police assistance desks ang itinalaga malapit sa school premises para tulungan ang mga estudyante, magulang at kawani ng paaralan sa pagbubukas ng klase.
Hindi bababa sa 89 na pulis ang idineploy para magsagawa ng mobile patrols, habang 66 na pulis ang itinalagang mag-foot patrol sa mga high-density areas at critical zones.
“Nais naming matiyak na ang ating mga anak ay babalik sa paaralan nang walang takot o pinsala. Ang aming kapulisan ay nakapwesto sa lahat ng posibleng lugar upang magbigay ng proteksyon, gabay at suporta,” sabi ni Germino.
Nagsagawa rin ang police official ng inspection sa Nueva Ecija High School, Good Samaritan Colleges, College of Research and Technology, Araullo University at Cabanatuan East Central School.
Nagtalaga rin ng 26 police personnel sa buong Cabanatuan City para sa pagbubukas ng school year 2025-2026.