Quiboloy Ang KOJC compound na na-raid kung saan may nakitang dalawang modernong helicopter, dalawang eroplano at mga luxury vehicles.

Kongresista nababahala na posibleng may iba pang biktima ng krimen sa KOJC compound

Mar Rodriguez Aug 26, 2024
59 Views

NAALARMA at nabahala ang isang miyembro ng “Young Guns” ng Kamara de Representantes sa nailigtas na dalawang biktima ng human trafficking sa operasyon ng pulisya sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound sa Davao City.

Dahil sa pangyayaring ito, sinabi ni Davao Oriental Rep. Cheeno Miguel Almario na pinagdududahan na nagkakanlong ang KOJC ng mga kriminal at posible umano na mayroon pang ibang biktima sa lugar.

“We are alarmed at the fact then when a valid warrant of arrest for Apollo Quiboloy was enforced at the KOJC compound, they found alleged victims of human trafficking. This is a clear-cut sign that there is irrefutable basis for the accusations being brought forth against him. Ibig bang sabihin nito na patuloy na nangyayari ang krimen na ibinibintang kay Mr. Quiboloy?” tanong ni Almario na nais na imbestigahan ng Kongreso ang isyu.

Dala ang warrant of arrest laban kay Quiboloy, pinasok ng mga pulis ang KOJC compound noong Agosto 24.

Naglabas ng warrant of arrest ang mga korte laban kay Quiboloy kaugnay ng kinakaharap nitong paglabag sa Section 5(b) at Section 10(a) ng Republic Act (RA) 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.

Siya ay nahaharap sa dalawang kaso ng paglabag sa RA 7610 sa korte sa Davao.

Si Quiboloy ay nahaharap din sa kasong qualified human trafficking charge sa ilalim ng Section 4(a) ng inamyendahang RA 9208 sa korte sa Pasig. Ito ay isang non-bailable offense.

Hinimok ni Almario si Quiboloy at ang mga nagkakanlong sa kanya na sumuko sa otoridad at harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya.

“Itong sinasabing bagong trafficking victims umano, sinu-sino na ang mga kakasuhan dito? The police should quickly make the case against the two individuals’ captors, kung ito ba ay sa utos pa rin ng mga masterminds na kinasuhan na o may bagong mga utak sa likod nito,” sabi ni Almario.

“I feel for the family of the victims and the victims themselves. Mahirap mawalay sa pamilya na hindi sigurado kung makakauwi pa ang inyong mga mahal sa buhay. Kaya dapat maparusahan ang responsable sa krimeng ito. Hindi lang dapat ulo ang hinanap natin. There are accomplices in this crime, and it is the PNP’s duty to uncover all involved. Baka may mga empleyado or kaya mga management officials or administrators na may alam o kaya ay kasama sa paggawa ng mga krimeng ito? Kailangan maiging tingnan ito ng PNP,” dagdag pa ng mambabatas.

2 biktima ng human trafficking nailigtas

Nailigtas ng mga otoridad ang dalawa umanong biktima ng human trafficking sa KOJC compound sa Davao City habang hinahanap ang wanted na si Quiboloy.

Ayon sa ulat ng dzBB, ang Philippine National Police (PNP) Women and Children Protection Desk at Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 11 ang nagsagawa ng rescue operation.

Sinabi ni PNP Regional Office 11 spokesperson Police Major Catherine dela Rey na ang biktima ay isang 21-anyos na lalaki mula sa Samar at isang babae na taga-Midsayap, Cotabato.

Ayon kay dela Rey, ang mga biktima ay nailigtas matapos humingi ng tulong sa pulisya ang kamag-anak ng mga ito.

Nais na umano ng dalawa na umalis sa KOJC pero pinipigilan.

Sinabi naman ni KOJC legal counsel Atty. Israelito Torreon na hindi sangkot ang KOJC sa human trafficking. Nanawagan din ang abogado na itigil ang panghaharass sa KOJC dahil wala umanong search warrant ang mga ito.

Pumunta ang mga pulis sa KOJC compound sa Davao City noong Sabado upang arestuhun si Quiboloy batay sa arrest warrant na ipinalabas ng korte.