Madrona

Kongresista naghain ng panukalang batas na magpapabago sa kapalaran ng mga taga-Romblon

Mar Rodriguez Oct 12, 2022
171 Views

MINIMITHI ng isang beteranong kongresista na umasenso ang kaniyang lalawigan sa larangan ng ekonomiya, turismo at kalakalan o negosyo. Kaya inihain nito ang isang panukalang batas sa Kongreso na magpapabago sa kapalaran ng Romblon pati na ang mga mamamayan dito.

Inihain ni Romblon Lone Dist. Cong. Eleandro Jesus F. Madrona ang House Bill No. 1029 na naglalayong gawin bilang isang national road ang mga kalsada na nag-uugnay sa Barangay Tuguis sa Munisipalidad ng Odiongan hanggang sa Barangay Tugdan sa Munisipalidad naman ng Alcantara sa lalawigan ng Romblon.

Ipinaliwanag ni Madrona na sakaling pumasa sa Kamara de Representantes ang kaniyang panukalang batas (HB No. 1029), malaki aniya ang maitutulong nito para makamit ng kaniyang mga kababayan ang matagal na nilang inaasam na pag-unlad.

Sinabi din ni Madrona na nahihirapan ang kaniyang mga kababayan na maglakbay patungo sa bayan para ipangalakal ang kanilang mga produkto bunsod ng napakalayong pagbibiyahe. Kung kaya’t mabagal ang pag-asenso ng ekonomiya sa kanilang lalawigan.

Dahil dito, naniniwala ang mambabatas na malaki ang maitutulong ng kaniyang panukalang batas para mapabilis ang transportasyon sa Romblon. Kabilang na ang paghahatid ng mga basic services sa bayan tulad ng pagkain, gamot at iba pang basic goods.

Sinabi pa ni Madrona na sakaling maging isang national road na ang mga nabanggit na kalsada, malaking oportunidad din ang naghihintay para sa kaniyang lalawigan sa larangan naman ng pagnenegosyo, turismo, business investments at iba pang pagkakakitaan.

Ayon sa kongresista, magkakaroon ng tinatawag na “domino effect” ang kombersiyon ng mga nasabing kalsada bilang isang national road. Sapagkat kasabay ng pag-asenso ng negosyo sa Romblon, aasenso din umano ang mga residente dito na may kaniya-kaniyang pinagkakakitaan.

“May mga inihain pa tayong panukalang batas sa Congress na ang layunin ay gawing national road ang ilang mga kalsada dito sa Romblon. Gusto kasi natin na umasenso an gating lalawigan kasama na ang ating mga kabababayan,” ayon kay Madrona.